441 total views
Hinimok ng kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Pilipinas ang mga Filipino na patuloy ipalaganap ang biyaya ng pananampalatayang tinanggap 500 taon ang nakalipas.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, ito ang patuloy na paanyaya ng Panginoon sa bawat isa upang maging makabuluhan ang kristiyanismong tinanggap ng mga Filipino.
“Five hundred years after the first Mass was offered in this archipelago, the Church in the Philippines is invited anew to ‘go forth’ and become a community of authentic missionary disciples,” mensahe ni Archbishop Brown.
Ang pahayag ng nuncio ay kaugnay sa paggunita sa unang makasaysayang misa sa bansa na naganap sa Limasawa Island sa Leyte noong Marso 31, 1521.
Binati rin ni Archbishop Brown ang Diyosesis ng Maasin sa pangunguna ni Bishop Precioso Cantillas sa pagtitipon upang pasalamatan ang Panginoon sa biyaya ng pananampalataya.
Binigyang diin ng kinatawan ng Santo Papa na sa bawat pagdiriwang ng eukaristiya ay inaanyayahan ni Hesus ang bawat binyagan na ipalaganap sa sangkalupaan ang mga salita ng Diyos bilang pagbabahagi ng kaloob na kristiyanismo.
“The love of Christ, made present in every celebration of the Holy Mass, impels us to proclaim the Gospel we have received to all the world. It is in this sharing of the gift of faith with others that we can best express our thanksgiving to God who has loved us through His Son, Our Lord Jesus Christ, who suffered, died and rose again from the dead,” ani ng arsobispo.
Nakatakda si Archbishop Brown na manguna sa paggunita sa unang misa sa Limasawa Island subalit ipinagpaliban dulot ng mga limitasyon bunsod ng coronavirus pandemic. Sa halip nagpaabot ng pagbabasbas ang nuncio sa pamamagitan ni Bishop Cantillas sa mananampalatayang dumalo.