334 total views
Ibinahagi ni Tandag Bishop Raul Dael na naipapahayag ang pagiging dalisay ng isang pastol ng simbahan tuwing nahaharap sa matinding pagsubok.
Ito ang pagninilay ng obispo sa chrism mass ng diyosesis kung saan ginanap ang ‘renewal of vows’ ng mga pari nitong Martes Santo, Marso 30.
“The purest part of the life and ministry of a priest will come out in times of difficulties, in times of trials, in times of crisis,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Dael.
Emosyonal ang obispo sa pagbabahagi lalo’t iba’t ibang hamon ang kinakaharap ng mga pastol ng simbahan lalo ngayong nahaharap sa krisis ang lipunan kung saan apektado rin ang mga simbahan at mananampalataya.
Aminado ang simbahang katolika na may mga paring sangkot sa ibat ibang usapin kabilang na ang sexual abuse na tinutugunan ngayon ng Vatican sa pangunguna ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sa kabila nito hinimok ni Bishop Dael ang mga kapwa pari na huwag sumuko sa bokasyon at paglilingkod sa Panginoon sa kabila ng mga suliraning kakaharapin.
“Mga igsoon nga kaparian ayaw pag-atras sa kalisod [Mga kapatid kong pari huwag kayong susuko kahit mahirap] because when you are encountering difficulties in ministry God wants to bring out the best in you, even in your failures, even in your infidelities and even in our sickness,” dagdag pa ng obispo.
Bukod dito humingi rin ng paumanhin si Bishop Dael sa nasasakupang mananampalataya sa mga pagkakataong hindi isinasabuhay ng mga pastol ng simbahan ang pagiging pari at hindi pakikinig sa hinaing ng mananampalataya.
Hiling ng obispo sa mananampalataya na patuloy ipagdasal ang mga lingkod ng simbahan na magampanan ang tungkulin batay sa ninanais ng Panginoon.
“Pasayloa kami kung unsa ang among kulang; pasayloa kami kung nadala kami sa among mga tawhanon nga mga panginahanglan [Patawarin ninyo kami sa aming mga pagkukulang]; pray for us that God will restore our vision that when we see you we see you as people of God,” ani Bishop Dael.
Sa datos ng Catholic Hierarchy noong 2018 48 mga pari ang nangangasiwa sa mahigit kalahating milyong mananampalataya ng diyosesis sa 30 mga parokya.
Binigyang diin ni Bishop Dael na malaki ang maitutulong ng mga panalangin ng mananampalataya upang manatiling mamuhay sa kabanalan ang mga pastol ng simbahan.
Tiniyak ng obispo sa nasasakupan na pinagsumikapan ng mga pari ng diyosesis na mapaglingkuran ang mananampalataya at maihatid ang mabuting balita ng Panginoon sa bawat tahanan