422 total views
Ito ang panawagan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na magandang simulan ngayong Semana Santa kasabay ng muling pagpapatupad ng mga Community Quarantine sa buong bansa dahil sa muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease.
Ayon kay Bishop Mangalinao na maliban sa pananalangin at pagninilay sa pagpapakasakit ng Panginoon, nawa’y gawin din ng mga mananampalataya sa kanilang mga tahanan ang paglilinis at ang wastong pagtatapon ng mga basura.
“‘Yung simpleng segregation ng basura na pwedeng itapon na at pwedeng mai-recycle naman. ‘Yung composting na sa halip na itapon lang ‘yung mga basura dahil sa pagluluto at iba pa, ay ibaon na sa lupa bilang pampataba,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, panawagan din ng Obispo na talikuran na ang paninigarilyo na pangunahing dahilan ng mga sakit tulad ng Throat at Lung Cancer.
Paliwanag ni Bishop Mangalinao na bukod sa wala itong magandang maidudulot sa kalusugan ay nakaaapekto rin ito sa pagkasira ng kalikasan.
“‘Yung paninigarilyo, bukod sa nakakadulot ito ng cancer sa lalamunan ay sana’y itigil na; sapagkat wala naman talagang value ang paninigarilyo at ito ay talagang nakakasira ng kalusugan at kalikasan,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Patuloy na panawagan ng simbahan at pamahalaan na sumunod lamang sa mga ipinapatupad na health protocols at manatili lamang sa sariling mga tahanan upang maiwasan ang pagkahawa sa nakamamatay na sakit.