2,595 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi dapat ipagsawalang bahala ang pananampalataya ng mga Filipino lalo na ngayon panahon pandemya.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, sinasalamin ng resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations noong 4th quarter ng 2020 ang katibayan ng pagiging relihiyoso ng mga Filipino kung saan lumabas na 73% ang itinuturing na napakahalaga ng relihiyon.
Ipinaliwanag ng Pari na hindi lamang ekonomiya ang mahalaga para sa mga tao sa halip ay maging ang pananampalataya sa Panginoon na pinagkukunan ng lakas at pag-asa ng bawat isa sa gitna ng kahirapang dulot ng pandemya.
“Ito’y katibayan ng pagiging relihiyoso ng mga Pilipino. Sa Diyos sila humuhugot ng lakas sa kabila ng kahirapang dulot ng pandemya. At huwag naman sanang isantabi ang katotohanang ito at palabasing ekonomiya lang ang mahalaga sa tao.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Fr. Secillano na bagamat hindi maaaring magtungo ang mga mananampalataya sa mga Simbahan ay hindi naman ito dahilan upang pagkaitan ng biyaya ng Diyos ang sinuman.
Iginiit ni Fr. Secillano na sa kabila ng anumang sitwasyon ay mahalaga ang patuloy na pagdarasal at paghahasik ng pagmamahal sa kapwa.
Hinikayat rin ng Pari ang paggamit ng social media at internet upang patuloy na magkaroon ng ‘access’ sa mga banal na liturhiya lalo na ngayong Semana Santa.
Binigyang diin rin ni Fr. Secillano ang pagbuhay at pagtatatag ng isang Simbahan sa loob ng tahanan kung saan sama-samang nagdarasal ang buong pamilya na mayroon malalim na pag-ibig para sa isa’t isa.
“Patuloy tayong magdasal at maghasik ng pagmamahal sa ating kapwa. Wala man tayo sa loob ng simbahan, hindi naman tayo napagkakaitan ng biyaya ng Diyos. Gamitin natin ang social media upang magkaroon tayo ng “access” sa mga liturhiya at tradisyon ngayong semana santa. Buhayin ninyo ang simbahan sa loob ng inyong pamilya. Sama-sama kayong magdasal at paigtingin ang inyong pag-ibig sa isat-isa.” Dagdag pa ni Fr. Secillano.
Batay sa resulta ng SWS survey noong 4th Quarter ng 2020, 73% ng mga Filipino ang sinabing napakahalaga ng relihiyon kung saan 46% ang nagsabing dumadalo sila sa religious services “weekly”, nasa 25% naman ang sumagot ng “monthly”, 27% ang occasionally at 1% ang “never”.
Samantala sa pangalawang pagkakataon naman mula ng lumaganap ang COVID-19 noong nakalipas na taon ay muling ipinatupad sa malaking bahagi ng bansa ang Enhanced Community Quarantine na nagbabawal sa pagsasagawa ng mga religious activities na nataon muli sa paggunita ng Semana Santa.