332 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care sa bawat isa na higit pang paigtingin ang pag-iingat at pananalangin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio -vice chairman ng kumisyon, hindi dapat maliitin ng sinuman ang kapangyarihan ng dasal na isang direktang koneksyon sa Panginoon at epektibong armas lalo na sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga rin ang patuloy na pag-iingat ng bawat isa gayundin ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na mga paraan upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng virus sa bansa.
“Let us not underestimate the power of prayer. Let us intensify our prayers. Second let us be more extra cautious in everything. Maintaining protocols to the max, keeping the social distancing.” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Pinayuhan ng Obispo ang mamamayan na palakasin ang resistensya bilang pangunahing proteksyon at depensa mula sa virus.
Binigyang diin naman ni Bishop Florencio ang kahalagahan ng pagpapabakuna na hindi lamang makapagliligtas sa buhay ng mismong nabakunahan kundi maging ng mga tao sa kanyang kapaligiran.
“Mahigit sa lahat boost our immune system. Iyan lang po ang pambato natin. Wala pang lunas ito. At kung ikaw na ang nakatalaga sa vaccination go for it, it will save you and others.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health umabot ng 15,310 ang bilang ng bagong naitalang kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw noong ika-2 ng Abril, 2021 kung saan umaabot na sa 771,597 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.