318 total views
Hinimok ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na patuloy pag-alabin ang diwa ng pakikiisa ni Kristo sa Banal na Eukaristiya.
Ayon sa obispo hindi sapat ang online masses lalo’t ito ay pansamantalang inilaan lamang dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalagang personal na makipag-ugnayan sa Panginoon at tanggapin ang Kanyang katawan sa mga Banal na Misa.
“Our online mass is a poor substitute of the real physical participation in the mass. At the moment we are constrained to watch the online masses, but please do not lose the fire, the desire to be physically present when it is possible, and to really receive the body of Christ into our body,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Matatandaang ipinagdiriwang online ang mga mahal na araw noong 2020 nang magpatupad ng mahigpit na panuntunan ng community quarantine ang bansa dahil sa coronavirus pandemic.
Ngayong taon muling isinagawa online ang paggunita sa easter triduum makaraang ipatupad ang enhanced community quarantine sa mga lugar na sakop ng National Capital Region Plus Bubble dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kalakhang Maynila.
Una nang nanindigan si Bishop Pabillo na essential ang religious activities sapagkat nakatutulong ito upang mapalakas ang pananampalataya at mabigyan ng pag-asa ang mamamayan sa gitna ng kahirapang dulot ng krisis pangkalusugan.