265 total views
Tiniyak ng bagong kalihim ng Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) na rerepasuhin nito ang Republic Act No. 7279 o mas kilala bilang Urban Development and Housing Act of 1992.
Ayon kay PUCP chairman at dating Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, makakaasa ang mga urban poor communities na papaigtingin nito ang nauna ng naipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na “no relocation, no demolition policy.”
Siniguro rin ni Ridon na hindi na ipauubaya sa mga LGU’s o local government units ang pagre – relocate dahil sa palpak na relokasyon at nauuwi lamang sa dahas ang paglilipat sa mga maralitang taga – lungsod.
“Isa dun sa talagang tutukan natin ay yung pag – amyenda yung batas patungkol dun sa urban poor yun pong UDHA Law na tinatawag. Kasi nasa disbentahe po lagi ang ating mga kababayan dahil inaasa sa mga local government officials units yung pagre – relocate sa kanila lalo dun sa mga court order demolition. Ibig sabihan niyan, dun sa private lands dapat trabaho pa rin ng gobyerno ang pagtitiyak ng katanggap – tanggap na paglilipatan ng ating mga kababayan,” bahagi ng pahayag ni Ridon sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring naitala ng Philippine Center for Investigative Journalism na tinatayang 3.7 milyong kabahayan ang kinakailangan upang punan ang lumalagong populasyon ng mga urban poor families sa bansa na makikita halos sa Metro Manila.
Patuloy naman pinalalakas ng Caritas Manila at Radyo Veritas ang pagtugon sa mga problema ng mga maralitang taga – lungsod ng mailunsad ang SILAI o Sikap – Laya Incorporated.