336 total views
Pinayuhan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan na mas paigitingin ang pagpapabakuna laban sa coronavirus disease habang patuloy na pinag-aaralan ang mga gamot na maaaring maging lunas sa nakahahawang sakit.
Inihayag ito ni CBCP–Episcopal Commission on Health Care vice-chairman at Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa lumalabas na pahayag na hinihikayat ang Administrasyong Duterte na bigyang-pansin ang gamot na Ivermectin na maaaring maging lunas sa COVID-19.
“I think hindi lang po tayo tumingin d’yan because it’s just [a] preventive… Siguro I think we’ve got also to go into something na pangmalawakan na solusyon na mayroon din siyang collaborative efforts natin,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Nanawagan ang Obispo sa pamahalaan na unahin at pagtuunan ng pansin ang mga mahihirap na bigyan ng suporta at ibilang sa libreng makakatanggap ng COVID-19 vaccine upang maging ligtas sa banta ng virus.
Ipinaliwanagp ni Bishop Florencio na ang mga mahihirap na pamilya ang higit na nagdurusa sa kasulukuyang sitwasyon dahil sa epekto ng pandemya na humantong sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay at mapagkukunan ng makakain.
“‘Yan naman talaga ang dapat na kung sino ang dapat mabigyan na wala, ‘yan ang mas unahin ng pamahalaan… I would like to believe na’yung mga taong walang-wala at nangailangan ng tulong, ay tulungan po natin at sana’y talagang i-prioritize ng pamahalaan,” ayon sa Obispo.
Batay sa pahayag at pagsusuri ng Merck, ang pharmaceutical company na lumikha ng Ivermectin na wala itong siyentipikong batayan upang sabihing mabisa ang nasabing gamot bilang lunas sa COVID-19.
Naniniwala rin ang Department of Health na kulang pa ang mga pag-aaral upang sabihing mabisa ang Ivermectin upang maiwasan at malunasan ang nakahahawang sakit.
Sa huling ulat ng DOH, naitala ang 8,355 panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa; habang 145 ang mga gumaling at 10 naman ang mga naitalang nasawi.