401 total views
Nagpaabot ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communications sa himpilan ng Radio Veritas na pansamantalang isinailalim sa lockdown ang main studio dahil sa pagpopositibo sa COVID-19 ng ilang mga kawani.
Ayon kay Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit – chairman ng kumisyon, mahalagang patuloy na maging matatag ang lahat sa kabila ng mga takot at pangamba na dulot ng pandemya.
Ipinapanalangin rin ng Obispo ang mabilis na paggaling at maayos na kalagayan ng lahat ng humaharap sa kawalan ng katiyakan dahil sa pandemya. Binigyan- diin ni Bishop Maralit ang pangako ng kaligtasan at kapanatagan ng Panginoon para sa bawat isa.
“Well, I pray that you all get well. Stay strong everyone and in spite of the fears and anxiety your situation may cause you, today’s gospel reminds you of our Lord’s presence and words to His faithful, “Do not be afraid, it is I.” (Jn. 6)” mensahe ni Bishop Maralit sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang pagkikala at pinuri din ni Bishop Maralit ang patuloy na pagsusumikap ng himpilan na magsilbing daluyan ng Ebanghelyo at Mabuting Balita ng Panginoon para sa mga mananampalataya.
Tiniyak naman ng Obispo ang patuloy na pananalangin para sa kabutihan, paggaling at kapakanan ng mga apektado ng COVID-19. “And I commend you all for your efforts that in spite of your present predicament you continue to bring service to our faithful and our public. God bless you all and be assured of my prayers for all of you!” Dagdag pa ni Bishop Maralit.
Pansamantalang ginagamit ng Radyo Veritas ang transmitter sa Taliptip Bulacan, upang patuloy na makapaglingkod at mapakinggan ang mga programa ng Radyo ng Simbahan kabilang na ang mga banal misa, pagninilay ng mga pari at obispo gayundin ang mga gawain ng Simbahan para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Bukod sa patuloy na pagsasahimpapawid sa talapihitan bilang 846 AM-band ay mapapanuod rin ang mga programa ng himpilan sa pamamagitan ng video streaming at veritas846.ph Facebook page.