244 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa ating bansa, “unchristian question” para kay Presidential Spokesperson Harry Roque ang tanong ng isang reporter tungkol sa agad-agad niyang pagkakaroon ng kuwarto sa Philippine General Hospital (o PGH) kahit full capacity na ang mga ospital sa Metro Manila. Muli raw kasi siyang nag-positibo sa virus at kinailangang ma-confine.
Ngunit hindi ang pangangailangan niya ng atensyong medikal ang kinukwestiyon dito, kundi ang kanyang mabilis na pagkakaroon ng access dito.
Batay sa datos ng Philippine College of Emergency Medicine (o PCEM), higit 310 COVID-19 patients ang nangangailangan ng kuwarto sa 14 nitong ospital sa Metro Manila at Cavite. Bagamat 14 na ospital lamang ito sa 159 na pangkalusugang pasilidad sa buong Metro Manila at Cavite, nagpapakita itong punung-puno na ang mga pampubliko at pribadong ospital at nahihirapan na ang mga itong tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Sa kabila ng kawalan ng datos na inilalabas ng Department of Health (o DOH) tungkol sa bilang o dami ng mga pasyenteng nangangailangan ng kalinga sa ospital ngunit hindi nakaka-access dito, ang mga kuwento ng mga kababayan nating inaabutan na ng kamatayan nang hindi nakakapagpaospital ay patunay na hindi na kinakaya ng ating sistemang pangkalusugan ang dami ng pasyenteng may malalang sintomas ng COVID-19. Halimbawa na lamang si Lailee Parreño na namatay sa loob ng kaniyang sasakyan kung saan siya napilitang mag-isolate. Pinilit siyang dalhin ng kaniyang mga kaibigan sa iba’t ibang ospital sa Kamaynilaan ngunit walang tumanggap sa kanya dahil puno na ang mga ito, hanggang sa tuluyan siyang pumanaw.
Kaya’t paano masasabing “unchristian” ang tanungin kung paanong agad-agad natanggap sa ospital ang isang taong nasa posisyon habang ang ating mga kababayan ay inaabutan na ng kamatayan sa paghahanap ng serbisyong medikal? Sabi nga ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, walang “unchristian” sa tanong na ito. Nararapat na lamang na bilang isang opisyal ng pamahalaan ay maging bukás o transparent sila sa taumbayan. Dagdag pa ni Fr. Fiel Pareja ng Diyosesis ng San Fernando, hindi ugali ng isang Kristiyano ang panlalamang sa kanyang kapwa.
Bilang mga Kristiyano, patuloy nating tanungin ang ating pamahalaan kung bakit sa halip na bigyang-tugon ang pangangailangan ng ating mga kababayan, tila mas inuuna pa nila ang kanilang mga sarili. Patuloy natin silang tanungin kung ginagamit nga ba nila ang kanilang kapangyarihan upang mapabuti ang kalagayan ng libu-libong pasyente o ginagamit lamang nila ito para sa ikakabuti nila. Tandaan natin ang sinabi ng Diyos sa Deuteronomio 15:11: “Kailanma’y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.” Hindi “unchristian” ang pagpapanagot sa mga nasa kapangyarihan dahil tayong mga taumbayan mismo ang nagbigay sa kanila ng tungkuling tiyaking nauuna ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng dukha at mahihina sa lipunan.
Ipinapaalala rin sa atin ni Saint Pope John Paul II at ng mga panlipunang turo ng Simbahan na kaakibat ng pagmamahal sa ating kapwa nang may pagkiling sa mahihirap (o preferential option for the poor) ang pagkakaloob sa kanila ng sapat at makataong serbisyong medikal. Sa Catholic social teaching na Sollicitudo Rei Socialis, kapantay ang pagtanggap ng maayos na serbisyong medikal ang iba pang pangangailangan ng tao, katulad ng sapat na pagkain, maayos na tirahan, at maging ang pagkakaroon ng pag-asa.
Mga Kapanalig, sa gitna ng patuloy na pandemya na pinapalalâ pa ng pagiging unchristian ng ginagawa ng iilang nasa kapangyarihan, patuloy nawa nating piliing mahalin ang ating kapwa sa pamamagitan ng pagkalampag sa pamahalaan na maging tapat sa tungkulin nito. Ito ang gawain ng isang mabuting Kristiyano.