321 total views
Magbibigay ng scholarship program ang CBCP – Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People sa mga anak ng mahigit 100 Pilipino na nawalan ng trabaho sa ilalim ng Mohammad Al Mojil Group o MMG sa Al Khobar, Saudi Arabia na nakauwi na sa Pilipinas.
Ito ang ipinangako ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, na pangangalagaan at susubaybayan ng Simbahan ang pag – aaral ng anak ng mga Overseas Filipino Workers na nagsipag-uwi sa bansa mula sa Saudi Arabia.
Inihayag ni Bishop Santos na magbibigay din ng scholarship program ang mga Diocesan Catholic Schools sa anak ng mga OFWs na matustusan ang mga ito hanggang kolehiyo at matulungan rin sa hinaharap ang kanilang pamilya.
“Maganda na pag – uwi ng ating mga OFWs binigyan sila ng monetary compensation tsaka incentive, tsaka initial para sa pagta – trabaho. Ang atin namang Simbahan hindi tayo nakakapag – bigay ng pera pero nabibigy naman natin ay kaalaman sa pagta – trabaho at ang pera nating ibibigay ay hindi mismo surplus kundi tulong na kung saan na ang kanilang mga anak lalo na yung mga nangangailangan ay mabigyan ng scholarship lalo na sa ating mga Catholic Schools sa ating mga Diocesan Catholic Schools,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabibigyan ng tig – P5,000 ang 128 OFWs na umuwi sa bansa galing Saudi at magpapatuloy pa rin aniya ang repatriation ng halos 11,000 Pinoy na nawalan ng trabaho sa naturang bansa.
Nagpapatuloy naman ang pagbibigay ng spiritual formation and counseling ng Simbahan sa pamilya ng mga OFWs na nakararanas ng problema hanggang sa tuluyan silang makabangon.