356 total views
Mariing tinututulan ng Diyosesis ng Baguio ang panukala ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio na magbukas ng karagdagang mga bingo stalls.
Sa liham pastoral ni Bishop Victor Bendico iginiit nitong hindi magdudulot ng kabutihan sa mga pamilya ang pagkakaroon ng maraming pasugalan sa tinaguriang ‘summer capital’ ng bansa.
“We, the faithful of the Diocese of Baguio strongly oppose the proposal to have more bingo stalls in the City of Baguio to include the Province of Benguet; We cannot be proud to say that the City of Baguio is a peaceful city if there is havoc in many families due to the gambling activities approved by the people who were elected to take care of the common good of the electoral populace, bahagi ng liham pastoral ni Bishop Bendico.
Dismayado rin si Bishop Bendico na patuloy ang paglaganap ng mga pasugalan sa lungsod tulad ng electronic bingo at iba pa na unang tinutulan ng mga nagdaang obispo ng diyosesis.
Paalala pa ng obispo sa mamamayan ang pahayag noon ng namayapang dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Archbishop Oscar Cruz na ang sugal ay isang uri ng bisyo na maituturing gawain ng kasamaan.
Matatandang si Archbishop Cruz ay kilalang anti-gambling crusader kung saan partikular na nilabanan ng arsobispo ang sugal na ‘jueteng.’ Dahil dito nanawagan si Bishop Bendico sa mamamayan ng Baguio na magkaisang tutulan ang panukalang isinusulong ng RCC Global Entertainment Inc. na magbukas ng electronic at traditional bingo games at ilan pang sugal.
“May we then united to oppose the opening of other gambling areas where hopeful citizens can be lured to lose their money to the detriment of their families,” dagdag ng obispo.
Apela ni Bishop Bendico sa mga parokya na maglunsad ng signature campaign laban sa anumang uri ng sugal na isusulong sa lalawigan. Una nang sinabi ng Dicastery for Promoting Integral Human Development ng Vatican na ang pagsusulong ng sugal ay ‘unethical’ sapagkat nagtataguyod lamang ito ng bisyo na nakakasira sa pagkatao, pamilya at ng buong lipunan. Tiniyak ng diyosesis na patuloy labanan ang mga mapanirang gawain ng lipunan tulad ng sugal.
“Let us continue to act and to fight against gambling that destroys life, wreaks havoc on communities and promotes greed and addiction. I remain.” ani Bishop Bendico.