321 total views
Hiniling ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga simbahan sa bansa na isahimpapawid online at on-air ng National Consecration to St. Joseph sa Mayo 1, 2021.
Umaasa si CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles na magkaisa ang lahat ng mananampalataya sa pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose kasabay ng kapistahan ng santo.
“It is requested that this activity be broadcasted in your churches so that all the bishops and priests together with the faithful can join in the consecration,” mensahe ni Archbishop Valles.
Pangungunahan ng arsobispo ang pagtatalaga ganap na alas 9:45 ng umaga mula sa San Pedro Cathedral sa Archdiocese of Davao.
Ito ay matutunghayan online sa Facebook page ng arkidiyosesis at mapakikinggan sa Spirit FM – Davao. Isusunod naman ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa kapistahan ni San Jose Manggagawa alas 10 ng umaga sa pangunguna ng National Shrine of St. Joseph sa Mandaue City Cebu na pangungunahan ni Archbishop Jose Palma.
Ibinahagi naman ni John Taniola, chairman ng Ad Hoc Committee ng Year of St. Joseph ng Cebu sa Radio Veritas na alas 9 ng umaga bago ang national consecration ay magsasagawa ng pagdarasal ng rosaryo sa pambansang dambana na pangungunahan ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones, team moderator ng National Shrine of St. Joseph sa pakikipagtulungan ng Marian Movement of the Philippines.
Bilang parangal kay San Jose sa ika -150 anibersaryo ng pagiging patron ng universal church ay idineklara ni Pope Francis ang Year of St.Joseph mula Disyembre 8, 2020 hanggang sa Disyembre 8, 2021.