467 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang bawat isa na isama sa pananalangin partikular na sa mga banal na misa ang kapakanan ng mamamayan ng India na humaharap sa 2nd wave ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahalaga ang pananalangin para sa kapakanan ng kapwa lalo na sa gitna ng kawalan ng katiyakan na dulot ng pandemya.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring Pangulo ng International Catholic Migration Commission -Asia-Ocenia Working Group na ang sama-samang pananalangin ay higit na mahalaga sa kasalukuyang panahon na magbibigay ng pag-asa para sa mga napanghihinaan ng loob.
Sinabi ni Bishop Santos na ang pananalangin ay ang isang epektibong paraan ng pagsusumamo sa Panginoon upang gabayan at protektahan ang bawat isa mula sa patuloy na banta ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“Let us always remember and include India in our prayers and Holy Masses, that with the rest of world, this Covid19 pandemic will end and healing will come to all of us. As one humanity all of us must work as one to bring hope and help to all, and all of us must beg our Almighty God to lead us to safety, sound health and success in combating this Coronavirus.” Ang bahagi ng pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin naman ni Bishop Santos na batay sa mga nangyayari sa bansang India ay mas dapat na seryosohin ng mga Filipino ang pagsunod sa mga ipinatutupad na mga paraan ng pag-iingat mula sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 virus.
Iginiit ng Obispo na mahalaga ang pagsunod sa mga payo ng eksperto upang maprotektahan at matulungan ang bawat isa na makaiwas na mahawaan ng COVID-19 virus na patuloy pa rin ang pagkalat sa bansa.
“With what is happening in India, let us here in our country, be more serious and be stricter to implement and follow the IATF protocols. Let us do what is most necessary to prevent the spread of virus, to protect and help one another from this Covid19 pandemic.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Una ng pinuna ng Catholic Bishops’ Conference of India (CBCI) ang kapabayaan ng pamahalaan ng India sa kasalukuyang krisis na nararanasan ng mga mamamayan mula sa 2nd wave ng COVID-19 kung saan umaabot sa mahigit 300-libo ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw bukod pa halos 2-libo kada araw na nasasawi dahil sa nasabing virus.
Samantala sa Pilipinas, bago magtapos ang buwan ng Abril ay umabot na rin sa mahigit 1-milyon ang bilang ng mga nahawaan ng virus sa bansa.