346 total views
Nananawagan ang EcoWaste Coalition sa nagpapatakbo ng mga crematorium sa bansa na sumunod sa mga panuntunan hinggil sa pagsusunog ng katawan ng mga taong nasawi dulot ng coronavirus disease.
Ito’y makaraang magreklamo ang mga residente ng Muntinlupa at Sta. Rosa, Laguna dahil sa mabahong amoy at makapal na usok na nagmumula sa mga pampublikong crematorium malapit sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay EcoWaste Coalition Chemical Safety Campaigner Thony Dizon, dapat magsagawa ng inspection ang kinauukulang ahensiya upang matiyak kung tumatalima sa mga environmental regulations ang mga nagpapatakbo ng crematorium sa bansa.
“Dapat mas maging masigasig ‘yung pag-iinspeksyon sa mga crematorium facilities na ito at tingnan kung nagko-comply ba doon sa standard na mayroon tayo dito sa ating bansa para sa pollutant releases,” ang pahayag ni Dizon sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ng grupo na sa bawat crematorium ay dapat mayroong accredited pollution control officer na may mga kagamitan na kayang mapigilan at makontrol ang inilalabas na usok mula sa mga sinusunog na bangkay.
Nakikiusap naman ang grupo sa mga crematorium operators na tiyakin at suriing mabuti kung sila ay mayroong valid permit upang magsagawa ng ganitong uri ng operasyon at kung sila ay nakarehistro sa Environmental Management Bureau bilang hazardous waste generator.
Batay sa Republic Act 8749 o ang Clean Air Act, kinikilala nito ang karapatan ng mamamayan na makalanghap ng malinis na hangin at may kakayahang mag-utos sa estado upang matiyak na maayos itong naipatutupad sa marami.
Ayon sa Laudato Si ni Pope Francis, mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.