162 total views
Mga Kapanalig, matagal nang usapin at debate kung dapat bang nakikialam ang mga itinuturing nating lider sa Simbahan—katulad ng mga pari at madre—sa mga isyung panlipunan at mga bagay na may kinalaman sa pulitika. Sa kanyang homilya dalawang linggo na ang nakalipas, nanawagan si Bishop Broderick Pabillo, ang Apostolic Administrator ng Arkidiyosesis ng Maynila, sa kanyang mga kapwa pastol na huwag manahimik, bagkus ay manindigan laban sa kasamaan sa ating lipunan. Inilarawan niya ang karamihan sa mga lider ng Simbahan ngayon bilang mga watchdogs o tagapagbantay na walang lakas-loob tumahol at tikóm ang mga bibig sa harap ng kaliwa’t kanang patayan, red-tagging, at iba pang pang-aabuso sa karapatang pantao sa ating bayan.
Paalala rin ng obispo, hindi dahilan ang COVID-19 pandemic upang maging malayo ang mga lider ng Simbahan mula sa mga taong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Aniya, nangangailangan ang mga tao ng isang Simbahang kumukupkop sa kanila at nagsasalita kasama nila. Gaya ng sinabi ni Papa Francisco sa isang panayam, ang mga namumuno sa Simbahan ay dapat umaalalay sa kanilang kapwa, katulad ng mabuting Samaritano. Dapat silang maging kalakbay ng mga karaniwang tao sa madilim na gabi, at marunong makipag-usap at bumaba sa kanilang karanasan. Sa panahon ngayong marami ang tila dumaraan sa isang lagusang tanging dilim at kawalan ng katiyakan ang bumabalot, inaasam-asam ng kawan ang liwanag na maaaring ibigay ng Simbahan.
Mayroong papel ang mga namumuno at susumunod sa halimbawa ni Hesus na magsalita laban sa pang-aapi, ipagtanggol ang mga napabayaan, at gabayan ang kanilang pamayanan tungo sa pag-unlad. Sa tuwing sumusobra o may pagkukulang ang pamahalaan, nangunguna dapat ang mga lider ng Simbahan na palakasin ang boses ng mga biktima ng kawalang-katarungan. Kailangan tumindig ng Simbahan at magsalita kasama ang mga taong ito, lalo na ang mga isinasantabi. Mahalagang paalala para sa mga ministro ng Simbahan ang nakasaad sa Filipos 2:4 na huwag lang ang sariling kapakanan ang isipin kundi ang kapakanan din ng iba. Akma ring paalala ang Micas 3:1 kung saan sinabi sa mga pinuno ng Israel at Judea na katarungan ang dapat nilang ipinaiiral. Mapanganib na manatiling tikóm ang bibig ng mga lider ng Simbahan para lamang maging kaayaaya ang kanilang imahe sa mga may tangan ng kapangyarihan sa pamahalaan. Mahalagang alam ng mga namumuno sa Simbahan ang mga pangyayari sa komunidad nang sa gayon ay magawa nilang makialam at makisangkot sa pagtulong sa mga taong lumaya mula sa kahirapan, katiwalian, karahasan, at pang-aabuso. Gaya ng sabi sa Justicia in Mundo, ang pagkilos para sa katarungan at pakikilahok sa pagbabago ng mundo ay bahagi ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Misyon ito ng Simbahan para sa kaligtasan ng sangkatauhan at sa paglaya nito mula sa anumang mapagpahirap o mapang-aping kalagayan. Malaki ang responsibilidad ng Simbahan na maging bahagi ng pagdadala ng pagbabago at kaginhawaan sa komunidad at gamitin ang kanilang kakayanan at resources upang iangat ang mga taong lugmok sa kahirapan at karahasan.
Mahalagang pagtuunan din ng pansin ng Simbahan ang mga social sins o mga kasalanang panlipunang katulad ng extrajudicial killings at korapsyon, hindi dahil may galít ito sa mga taong nakaupo sa pamahalaan kundi dahil ito ay mga isyung humahadlang sa kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, mahalaga ang pakikialam at aktibong partisipasyon ng Simbahan sa mga usaping panlipunan. Hindi lamang dapat ito nakatuon sa mga bagay na ginagawa sa isang lugar katulad ng pagsamba at pagdarasal. Kasama rin sa tungkulin ng Simbahan—kapwa mga relihiyoso at layko—na magsalita tungkol sa mga istrukturang panlipunang pumipigil sa paglago ng mga mamamayan.