453 total views
Patuloy ang panalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa pagbabalik ng mga gawain ng lipunan na labis naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Ito ang apela ng Santo Papa sa lingguhang general aaudience sa Vatican kasabay ng pagtatalaga sa buwan ng Mayo sa Mahal na Birheng Maria.
“In this month of May, led by the shrines scattered throughout the world, we are reciting the Rosary to pray for the end of the pandemic and for the resumption of social activity and work,” bahagi ng apela ni Pope Francis.
Una nang hiniling ng santo papa sa lahat ng simbahan sa bansa ang pagdarasal ng rosaryo na pamumunuan ng 30 Marian shrines sa buong daigdig kung saan sa bawat araw may nakatalagang mga intensyon.
Isa sa napili ni Pope Francis ang National Shrine ng Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral kung saan nakatakda ito sa Mayo 7.
Pangunahing intensyon sa dambana ang para sa katatagan at pagkakaisa ng mga pamilya sa buong daigdig. Ito ay gaganapin alas 6 ng hapon sa Roma o alas 12 ng hatinggabi dito sa Pilipinas.
Inaanyayahan ng punong pastol ng simbahang katolika ang bawat mananampalataya na magkaisang dumulog sa Panginoon sa tulong ng Mahal na Ina upang mawakasan na ang suliraning hatid ng pandemya sa buong daigdig kung saan lubhang naapektuhan ang mahihirap at mahihinang sektor ng lipunan.