544 total views
Hamon sa bawat mananampalataya at deboto na higit kilalanin at palalimin ang ugnayan sa Panginoon.
Ito ang mensahe ni Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta kasunod ng pagdeklara sa Minor Basilica ng parokya ni San Nicolas de Tolentino na Archdiocesan Shrine of Santo Cristo Milagroso de Sinait.
Ayon sa arsobispo, mahalagang maunawaan ng mananampalataya ang tunay na kahulugan ng pagkakapako ni Kristo sa krus alang-alang sa kaligtasan ng sanlibutan.
“Let’s go beyond the image [crucified Christ], mas mahalaga na maintindihan natin ang mensahe ni Hesus lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan lahat ay naghihirap; palalimin natin ang ating debosyon kay Hesus,” pahayag ni Archbishop Peralta sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ng arsobispo na malaking biyaya ito sa mananampalataya sa arkidiyosesis at mga deboto lalo ngayong ipinagdiriwang ng bansa ang 500 Years of Christianity kung saan isa ang parokya ni San Nicolas de Tolentino sa mga itinalagang pilgrim churches ng arkidiyosesis.
Umaasa si Archbishop Peralta na samantalahin ng mga deboto ang pagkakataong mas kilalanin ang pananampalatayang kristiyano sa pamamagitan ng pagdalaw at pagninilay sa bagong minor basilica.
“Kailangang malaman ng mga tao na it is part of their deepening of faith na makikita at maiugnay ang paghihirap ng pandemya sa nakapakong Kristo; the value of suffering,” ani ng arsobispo.
Matatandaang ika-3 ng Mayo kasabay ng kapistahan ng Santo Cristo ay inanunsyo ni Archbishop Peralta ang minor basilica status ng simbahan na pinagluklukan ng imahe ng 400-year-old Santo Cristo Milagroso de Sinait.
Batay sa kasaysayan, natagpuan ang imahe sa dalampasigan ng Dadalaquiten sa pagitan ng Sinait Ilocos Sur at Badoc ng Ilocos Norte noong 1620.
Kasamang natagpuan ang imahe na Mahal na Birhen na kasalukuyang nakaluklok sa Badoc Ilocos Norte. Ang parokya ng San Nicolas Tolentino ay itinatag ng mga Agustinong misyonero noong 1574 at natapos taong 1598 isa sa kinikilalang pinakamatandang simbahan sa buong bansa.
Naniniwala si Archbishop Peralta na ang pagkilala sa Minor Basilica ng San Nicolas de Tolentino ay pagkilala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa malalim na pananampalataya ng mga Ilocano.
“Ito rin ang isang pagkilala ng Holy Father sa malakas na pananampalataya ng mga Ilocanos,” dagdag ni Archbishop Peralta.
Nakatakda naman sa Setyembre 10, 2021 ang elevation ng minor basilica kasabay ng kapistahan ni San Nicolas de Tolentino ang patron ng parokya. Ito na ang ika – 19 minor basilica ng Pilipinas at ikapitong basilica na itinalaga ng Santo Papa mula ng manungkulan ito noong 2013