468 total views
Muling hinimok ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na makiisa sa pagpaparangal sa mga yumao bunsod ng coronavirus pandemic.
Itinalaga ni Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang ika-8 ng Mayo 2021 bilang araw ng pagkilala at paggunita sa mga yumaong indibidwal dulot ng COVID-19.
Magtitipon ang mga pari ng arkidiyosesis sa Manila Cathedral para sa isasagawang ‘Mass for the Dead’ ganap na alas 9 ng umaga.
“The whole Archdiocese will mourn for our dead during this pandemic but with great hope given by the Resurrection of the Lord Jesus; we bring together at the altar of the Lord all the tears and sorrows of our people for their loved ones,” bahagi ng pastoral instruction ni Bishop Pabillo.
Matatandaang nitong ika-5 Mayo ay inilaan ng arkidiyosesis ang pagdarasal para sa lahat ng mga frontliners at ika-6 ng Mayo naman para sa mga may karamdaman partikular na ang nahihirapan dahil sa virus habang May 7 para ipanalangin ang mga pumanaw.
Sa mga nabanggit na araw nagsagawa rin ng pagtatanod sa Banal na Sakramento tuwing ikaanim ng gabi. Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health nasa 17, 800 na ang nasawi dahil sa COVID-19 dito sa Pilipinas habang mahigit sa tatlong milyon naman sa buong daigdig.
Hinikayat ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng livestreaming sapagkat limitado lamang sa 30 porsyento ang pinahihintulutang makadalo sa mga simbahan alinsunod sa panuntunan ng modified enhanced community quarantine sa National Capitan Region at karatig lalawigan.
“We ask all our parishioners to join in this mass via the internet,” ani Bishop Pabillo.