349 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Philippine National Police – Chaplain Service sa bagong talagang hepe ng PNP na si Lt. General Guillermo Eleazar.
Tiniyak rin ni PNP Chaplain Service Director, Police Brig. General Rev. Fr. Jason Ortizo ang suporta ng buong PNP-Chaplain Service sa pamumuno ni General Eleazar.
Bukod sa suporta at pagbati, ibinahagi rin ni Fr. Ortizo ang pananalangin ng buong Chaplain Service upang gabayan ng Panginoon si Eleazar sa kanyang bagong tungkulin na matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng bansa para sa kapakanan ng taumbayan. Ipinapanalangin rin ng PNP-CHS ang tagumpay at kabutihan ng buong ahensya sa ilalim ng pamumuno ng bagong hepe ng PNP.
“Kami po sa PNP lalo na sa Chaplain Service ay natutuwa po sa pagkatalaga ni Sir Eleazar bilang bagong pinuno ng kapulisan po at sana patuloy siyang gabayan ng ating Panginoong Dios para po maging mapaunlad niya ang organisasyon at ang katahimikan sa ating bansa” pahayag ni Fr. Ortizo sa panayam sa Radio Veritas.
Papalitan ni Eleazar si outgoing PNP chief Police General Debold Sinas na magreretiro sa ika-8 ng Mayo, 2021.
Si Eleazar ang magiging ika-26 na hepe ng PNP at pang-6 na hepe sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bago hirangin bilang bagong PNP chief, nagsilbi si Eleazar na ikalawang pinakamataas na opisyal ng PNP bilang Deputy Chief for Administration, kung saan siya ang itinalagang unang commander ng Joint Task Force COVID-19 Shield na naatasang ipatupad ang pagtugon ng pulisya sa mga quarantine restriction ngayong panahon ng pandemya.
Naunang tiniyak ng PNP–Chaplain Service ang pagsasakatuparan ng mandato nito na gabayan ang mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas upang maging mabuting alagad ng batas nang may pagkilala sa karapatan at dignidad ng bawat isa sa ilalim ng batas ng tao at batas ng Diyos.