355 total views
Maglulunsad ng programa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa paggunita sa Laudato Si Week 2021 bilang pag-alala sa anibersaryo ng ensiklikal na liham ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Tema nito ang “For We Know That Things Can Change”, kasabay ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na natatanging pagkakataon upang ipagdiwang ang naging gampanin ng simbahan sa pagsasabuhay ng turo ng Laudato Si at ang wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Pagkakataon din ito upang pagnilayan ang iba’t ibang karanasan na idinulot ng coronavirus pandemic sa buhay ng bawat mananampalataya, gayundin ang pag-asa sa hinaharap kalakip ang mas malalim na pagmamahal at pagpapahalaga sa buhay.
Isasagawa ito mula ika-16 hanggang ika-24 ng Mayo na pangungunahan ng CBCP National Laudato Si Program katuwang ang Global Catholic Climate Movement – Pilipinas at iba pang partner organizations.
Magugunitang noong nakaraang taon, ibinahagi ni Pope Francis sa kanyang video message ang panawagan upang agarang matugunan ang ecological crisis na nararanasan ng mundo dahil sa epekto ng climate change at pang-aabuso sa kalikasan.
Sinabi ng Santo Papa, “The cry of the earth and the cry of the poor cannot continue. Let’s take care of creation, a gift of our good Creator God.
Let’ celebrate Laudato Si’ Week together.” Marso 3, 2021 nang ilunsad ng CBCP ang National Laudato Si Program na layong panibaguhin at mas palaganapin ang ating pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.