336 total views
Nakatakdang makibahagi ang iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa bansa sa panawagang Kampana para sa Halalan 2022 ng NASSA/Caritas Philippines.
Ayon sa social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, layunin ng Kampana para sa Halalan 2022 na mapukaw ang atensyon at kamalayan ng taumbayan sa panawagan ng Simbahan para sa lahat ng magpatala sa kasalukuyang voters’ registration upang makibahagi sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Nakatakda ang Kampana para sa Halalan 2022 sa araw ng Linggo ika-9 ng Mayo, 2021 na parehong petsa ng nakatakdang eleksyon sa susunod na taon.
Bahagi ng panawagan ng NASSA/Caritas Philippines ang sabay-sabay na pagpapatunog ng kampana ng mga Simbahan matapos ang Angelus ganap na alas-dose ng tanghali.
“our dear Bishops and DSAC Directors! May 9 is exactly a year away from 2022 elections! To signify our urgent call for voters’ registration, we urge you to join the nationwide ringing of church bells at 12nn on May 9th after the Angelus.” paanyaya ng NASSA/Caritas Philippines.
Positibo namang tumugon sa panawagan ang Archdiocese of Manila kung saan sa pamamagitan ng Facebook page ng The Manila Cathedral ay tiniyak ng arkidiyosesis ang pakikiisa sa naturang gawain bilang hudyat ng paghahanda para sa pambansang halalan sa susunod na taon.
Bukod sa pakikibahagi sa pagpapatunog ng mga kampana sa lahat ng mga Simbahan, nanawagan rin ang Archdiocese of Manila sa pumili ng mga lider na maka-Diyos at tunay na may takot sa Diyos upang pamunuan ang pamamahala ng bansa.
“Bukas, Mayo 9, 2021, ay eksaktong isang taon bago ang Pambansang Eleksyon sa 2022.
Nakikiisa ang Archdiocese of Manila sa panawagan ng NASSA/Caritas Philippines na magpatunog ng kampana ng alas dose ng tanghali sa lahat ng simbahan bukas bilang panawagan sa pagpaparehistro at pagboto para sa ating kinabukasan.
Pumili tayo ng isang lider na maka-Diyos at may takot sa Diyos.” Ang tugon ng Archdiocese of Manila.
Tiniyak rin Diocese of Borongan ang pakikibahagi sa Kampana para sa Halalan 2022 kung saan inatasan ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang lahat ng mga parokya at mga institusyon ng Simbahan sa diyosesis na makibahagi sa pagpapatunog ng kampana sa ika-9 ng Mayo araw ng Linggo.
Inaasahan rin ang pakikibahagi sa gawain ng iba pang mga diyosesis at arkidiyosesis sa bansa.
Sa ika-9 ng Mayo taong 2022 ay nakatakda ang National and Local Elections kung saan kabilang sa kinakailangang ihalal ay ang pangulo at pangalawang pangulo na dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na mangangasiwa sa pamamahala ng bayan para sa susunod na anim na taon.