390 total views
Ito ang ibinahagi ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa social aspect of love na maaaring maipamalas ng sinuman lalo na para sa bayan.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, isa ang panahon ng halalan sa mga pambihirang pagkakataon upang maipamalas ng bawat isa ang pagmamahal para sa bayan.
Partikular na tinukoy ni Bishop Pabillo ang nakatakdang halalan sa susunod na taon kung saan makikita ang pagmamahal, pagsasamantala o kapabayaan ng bawat isa para sa bayan.
Paliwanag ng Obispo, ang matalinong pagpili ng mga karapat-dapat na opisyal na ihalal upang mamuno para sa kabutihan at kaunlaran ng bayan ang isa sa kongretong pagpapamalas ng pagmamahal para sa bayan.
“Next year, May 9, ay election day natin. Exactly isang taon na lamang, election na naman. Sa panahon ng election nalalaman ang social aspect of love. Dito nakikita ang pagmamahal sa bayan, o ang pagsasamantala sa bayan, o ang kapabayaan sa bayan. Mahal natin ang bayan kung ang pinipili nating mamuno sa bayan ay ang karapat-dapat para sa ikabubuti ng lahat, the common good.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Bishop Pabillo na hindi lamang sapat ang matalinong pagboto sapagkat mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga mabubuting kandidato upang pagpilian ng taumbayan.
Iginiit ng Obispo na mahalaga ring itaya ng mga mabubuting tao ang kanilang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagtakbo sa halalan upang magkaroon ng mga karapat-dapat na mapagpipilian ang mamamayan.
“Pero hindi lang sapat na bumoto nang maayos. Paano naman boboto ng nararapat na wala namang nararapat na tumatakbo? Ang politika ay hindi masama. Ang pakikisangkot sa politika ay maaaring isang pagpapahayag ng pag-ibig sa bayan. Kapag mabuti ang mga kandidatong tumatakbo, maaaring may pagpipilian ang mga tao. Kaya dapat may mabubuting tao ding tumaya ng sarili alang-alang sa bayan. Kaya habang nananawagan tayo sa mga tao sa pagboto ng maayos, nananawagan din tayo ng mabubuting tao na tumakbo para sa bayan.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ng Obispo, hindi sapat ang matalinong pagsusuri ng mga botante lalo na kung puro mga trapo lamang rin ang nasa hanay ng pagpipilian ng mga mamamayan sa darating na halalan.
Kaugnay nito bilang hudyat para sa nakatakdang halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022 ay nanawagan ng Kampana para sa Halalan 2022 ang NASSA/Caritas Philippines na layuning na mapukaw ang atensyon at kamalayan ng taumbayan sa panawagan ng Simbahan para sa lahat na magpatala sa kasalukuyang voters’ registration upang makibahagi sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.