312 total views
Ikinatuwa ng social communications ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagbabalik loob ng mamamayan sa Panginoon.
Ito ang tugon ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng komisyon sa pag-aaral ng BluePrint.PH kung saan nangunguna ang ‘Faith’ sa trending keyword sa Facebook nitong Abril. Ayon sa obispo, magandang balita ito sapagkat higit na kumapit ang mamamayan sa pananampalataya sa Diyos sa gitna ng kinakaharap na matinding krisis pangkalusugan.
“Well that is great news and at the same time a sign that maybe many people because of these desperate times are either going back to their faith for strength, inspiration and/or answers; there are a lot of people once again realizing how important God is,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Batay sa survey na ginawa ng BluePrint.PH nangunguna ang ‘Faith’sa trending topic na may higit sa 70-milyon engagement score sa pagitan ng Abril 1 hanggang 30 partikular na sa panahon ng mga Mahal na Araw. Ilan sa mga top keywords sa kategoryang ito ang GoodFriday, Holy Week, at Biyernes Santo.
Paliwanag ni Bishop Maralit na sa panahong humaharap ang tao sa mga pagsubok bukod tanging si Hesus ang naging kanlungan ng bawat isa.
“Moments like these, like a pandemic are moments that usually wake us up and make us realize many things about life and for many our faith in Jesus is a true refuge,” ani ng opisyal.
Matatandaang naging ang aktibo ang simbahan sa paggamit ng social media makaraang isara sa publiko ang mga simbahan bilang bahagi ng pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 sa lipunan.
Pinalalakas nito ang online livestream ng mga misa, retreat and recollections at iba pang gawain ng simbahan upang higit na lumawak ang ebanghelisasyon.
Una nang kinilala ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church bilang pangalawa sa top influencers sa social media sa pagbabahagi ng kanilang mga gawaing makatutulong mapalago ang espiritwalidad ng mamamayan sa panahon ng pandemya.