442 total views
Hinimok ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na makiisa at suportahan ang vaccination program laban sa coronavirus.
Ikinalugod ng obispo na maging bahagi ng solusyon upang mapuksa ang paglaganap ng nakakahawang virus na labis ang pinsalang dulot sa mamamayan sa buong daigdig.
Sinabi ni Bishop Santos na mahalagang magpabakuna upang maging ligtas ang kalusugan at makatulong na mapababa ang kaso ng COVID-19.
“I am grateful to be part of the solution; Support and spread vaccines awareness, get vaccinated, it is safe and it is also our service whom we meet,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng obispo ay matapos nitong tanggapin ang ikalawang dose ng Sinovac vaccine kasama ang tatlong iba pang opisyal ng diyosesis.
Pagbabahagi pa ni Bishop Santos na ang mga pari at kawani ng diyosesis partikular ang nasa edad 59 taong gulang pababa ay nakatakdang bakunahan sa katapusang linggo ng Hunyo gamit ang Moderna vaccine.
Kinilala ni Bishop Santos at pinasalamatan ang healthcare workers sa pagiging matapat at masigasig sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan.
Mananatiling buhay sa puso ng bawat isa ang kabayanihang taglay ng mga medical frontliners na sumuong sa panganib upang mapaglingkuran ang pamayanan sa matinding epekto ng pandemya.
“Our hearts are full of gratitude for our healthcare heroes who commit themselves to fight against COVID19 and save us; your resiliency, compassion and strength in keeping our communities safe and heal are forever etched in our hearts,” ani ng obispo.
Batay sa tala ng pamahalaan mahigit na sa isang milyong Filipino ang nabakunahan laban sa virus habang pinaigting ng gobyerno ang vaccination program lalo na sa mahinang sektor ng lipunan.