152 total views
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may tatlo ng suspek na nakilala sa pagsabog sa night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi
Ayon kay PNP spokesman Police S/Supt. Dionardo Carlos, ito ang natanggap nilang ulat mula sa Police Regional Office (PRO11) na kanilang pananagutin sa pagsabog.
Kaugnay nito, nagbabala sa publiko ang pulisya na huwag maniwala sa mga kumakalat na text messages na may banta ng ‘suicide bombing’ sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Sinabi ni S/Supt. Carlos na layunin lamang ng impormasyon na takutin ang publiko upang hindi maging normal ang takbo ng pamumuhay ng mamamayan.
“That is not a verified information, may apat ngang version yan, wag po tayong maniwala diyan hayaan natin ang ating security forces na kayo po tiyakin ang inyong seguridad sa lahat ng lugar kahit sa mall, maging normal lang ang buhay, huwag tayong magpa-apekto sa act of terrorism na ito, na ginugulo ang ginagawang mabuti ng pamahalaan.” Ayon kay Carlos sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ng PNP spokesman na huwag matakot ang publiko lalo na ngayong katuwang ng pulisya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa seguridad ng mamamayan sa ilalim ng ‘state of lawless violence’ na idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari sa Davao City bombing.
“Katulong natin ang mga sundalo sa pagpapatupad ng batas partikular para maiwasan ang mga lawless violence, the state of lawless violence gives the authority to the commanding in Chief President Duterte to call on the military to assist and compliment the police in suppressing the lawless violence, this is precautionary move to prevent similar incident that transpired in Davao.” Ayon pa sa PNP spokesman.
Sa statistics ng ibat-ibang samahan, sa nakalipas na 12 taon hanggang 2013, mahigit na sa 300 indibidwal ang nasawi sa mahigit 60 insidente ng pambobomba kung saan 6 dito naganap sa Davao region.
Nakikidalamhati ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng mga obispo nito at nanawagan ng panalangin para sa mga biktima ng panibagong karahasan at gabayan ang Pilipinas mula sa mga masasamang gawain partikular na ang Mindanao lalo na ang Davao.