189 total views
Mga Kapanalig, sa halip daw na lumabas ng bahay at pumila sa mga community pantries upang makakuha ng pagkain, pinayuhan ni Pangulong Duterte ang mga Pilipinong maghintay na lang ng ayuda mula sa pamahalaan. Maghintay na lang daw ang mga walang makain at nagugutom. Maghintay na lang daw ang mga walang trabaho.
Ngunit kung talagang nariyan ang ayuda mula sa pamahalaan, magtitiyaga bang pumila ang mga kababayan natin sa mga community pantries? Mabuti na lamang at patuloy ang pagbabahagi ng mga may mabubuting-loob at ang pagdadamayan ng mga mamamayan, kaya’t habang naghihintay ang mga kababayan natin sa sinasabing tulong mula sa pamahalaan, mayroon silang maidadagdag sa kanilang ihahain mula sa community pantries.
Kung inilaan na lang sana sa ayuda ang 265 milyong pisong pondong gagamitin sa second phase ng Manila Bay Beach Nourishment Project, tiyak na marami ang makabibili ng pagkain at iba pa nilang pangangailangan. Ganitong kalaking pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa pagtatambak muli ng buhangin sa maliit na bahagi ng dalampasigan ng Manila Bay. Bahagi raw ito ng pagpapanumbalik ng ganda ng Manila Bay. Pondo itong inilagak sa Department of Environment and Natural Resources (o DENR) para sa proyektong ang Department of Public Works and Highways (o DPWH) ang magpapatupad.
Kung gagamitin natin ang pinakamababang halaga ng ayudang ipinamahagi sa ilalim ng Social Amelioration Program (o SAP) na limanlibong piso, ang 265 milyong pisong gagamiting pambili ng dinurog na dolomite ay makatutulong na sa mahigit 50,000 na pamilya. Marami rin ang mabibiling bakuna laban sa COVID-19 gamit ang pondong ito lalo na’t hanggang ngayon, kakaunti pa lamang ang dumarating na bakuna, karamihan pa sa mga ito ay donasyon. Mas marami pa ang maaaring matulungan kung isasama pa natin ang ginastos ng pamahalaan sa unang phase ng proyektong ito sa Manila Bay na umabot sa 389 milyong piso. At nitong Abril nga, nagtambak muli ng dolomite sa baywalk. Sa kabuuan, 1.7 bilyong piso ang gugugulin para sa Manila Bay Rehabilitation Program.
Hangad nating lahat na maibalik ang ganda at panatilihing malinis ang Manila Bay, ngunit nakalulungkot lamang na nasabay ito sa pagtugon ng pamahalaan sa krisis na dala ng nagpapatuloy na pandemya. Napakahirap matanggap na habang napakaraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay at mga pamilyang hindi na kumakain nang sapat at maayos, nakikita natin ang pamahalaang nagpapatupad ng mga proyektong hindi makapaglalagay ng laman sa mga kumakalam sa sikmura. Sinabi pa noon ng tagapagsalita ng pangulo na makatutulong ang white sand beach ng Manila Bay sa ating mental health, mga salitang makaiinsulto sa mga hanggang ngayon ay nababalisa sa takot at nalulugmok sa lungkot.
Sa Catholic social teaching na Mater et Magistra, sinabi ni Pope John XXIII na tungkulin ng Estado, sa pamamagitan ng pamahalaan, na gamitin ang kapangyarihan nito upang itaguyod ang kabutihang panlahat o common good at upang tiyaking nakakamit ng mga tao, lalo na ng mga mahihirap, ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa pagganap sa tungkuling ito, napapatunayan natin ang sinasabi sa Roma 13:1 na ang Diyos ang nagtatatag ng mga pamahalaang umiiral. Ngunit kung hindi, tungkulin nating mga mamamayang aulit-ulit na paalalahanan ang mga namumuno sa ating bayan.
Mga Kapanalig, hindi natin alam kung paano nagagawa ng ating mga lider sa pamahalaan na bigyang-katwiran ang pagtatambak ng buhangin sa Manila Bay sa harap ng napakaraming pangangailangan ng mga kababayan nating naapektuhan ng pandemya. Bagamat nakatataba ng puso ang ating pagbabayanihan, huwag nating kalimutang tungkulin pa rin ng ating pamahalaan na gamitin ang pondong mula sa ating mga buwis para sa ating kapakanan lalo na ngayong humaharap pa rin tayo sa napakatinding hamong dala ng pandemya.