366 total views
Nakahandang tumulong ang Department of Agriculture sa Local Government Units (LGUs) upang matugunan ang suliranin ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Ayon sa ahensya, batid nila na limitado lamang ang Quick Response Fund (QRF) ng ibang mga lokal na pamahalaan na gagamitin laban sa ASF dahil ang iba rito ay nagamit na bilang pantugon sa COVID-19 pandemic.
Bunsod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng nationwide state of calamity dulot ng ASF outbreak, binigyan lamang ang mga LGU ng sapat na pondo, kabilang na rito ang QRF sa pagsisikap na matugunan ang pagkalat ng ASF.
Ang nasabing state of calamity sa ilalim ng Presidential Proclamation 1143 ay magtatagal ng isang taon, maliban na lamang kung ito’y bawiin nang maaga o palawigin pa.
Kaugnay nito, bumuo na rin ng research team ang DA upang mapag-aralan ang epekto ng anti-parasitic drug na Ivermectin upang matugunan ang suliranin sa ASF outbreak.
Kamakailan lamang ay ginawaran ng Food and Drug Administration ang Ivermectin bilang anti-nematode drug o human anti-parasitic treatment, ngunit hindi pa rin nakarehistro sa Pilipinas bilang panlunas sa COVID-19.
Batay sa pagsusuri ng Merck, ang pharmaceutical company na lumikha ng Ivermectin, na ito’y gamot sa mga hayop at walang siyentipikong batayan upang sabihing mabisa bilang lunas sa COVID-19.
Unang nakumpirma sa bansa ang ASF noong taong 2019, kung saan tinitingnan ng Department of Agriculture na nagmula ang outbreak dahil sa pag-angkat ng mga ilegal na karne ng baboy mula sa China.
Naitala ang Pilipinas bilang ikasampu sa pinakamalaking pork consumer sa mundo habang ikapito naman sa pinakamalaking pork importer.
Nasasaad sa Kawikaan, kabanata 27 talata 23 na ang mga alagang hayop ay dapat mabantayan katulad ng mabuting pag-aalaga sa kawan ng Panginoon.