324 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na suportahan at makiisa sa ‘Simbayanan’ program na ilulunsad ng Radio Veritas 846.
Sa panayam ng Radio Veritas kay CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles , sinabi ng arsobispo na makatutulong ang programa sa pagpapalago ng pananampalataya at pakikiisa sa misyon ng simbahan lalo na sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng Pilipinas.
Tampok sa programang Simbayanan ang Banal na Misa na magmumula sa iba’t ibang simbahan sa mga arkidiyosesis, diyosesis, prelatura at apostolic vicariate sa buong bansa.
“Brothers and sisters, it is my joy today in this difficult times of the pandemic to give you some spark of good news, tomorrow a new program will be launch it is called ‘SIMBAYANAN’, I really warmly invite you to please tune in and watch this new program to be inspired all the more in our being gifted to give,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Ito ay sa pangunguna ng Radio Veritas 846 sa pakikipagtulungan sa CBCP-Episcopal Commission on Social Communications at Catholic Media Network (CMN) stations nationwide.
Ito ay inisyatibo ng himpilan upang higit pang mapalakas ang ebanghelisasyon gamit ang iba’t ibang uri ng media platforms tulad ng radyo, telebisyon at maging sa online platforms o social media.
Hakbang din ito sa pagpapalaganap ng mga gawain ngayong 500YoC lalo’t umiiral pa rin sa malaking bahagi ng bansa ang iba’t ibang restrictions bunsod ng coronavirus pandemic kung saan limitado lamang ang mga maaaring makadalo ng pisikal sa mga gawain.
Ilulunsad ang Simbayanan sa Mayo 13, 2021 kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima kung saan pangungunahan ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang Banal na Misa ganap na alas 12 ng tanghali sa Radio Veritas Chapel.
Ayon kay Archbishop Valles, magandang pagkakataon ang paglulunsad nito sapagkat ang Mahal na Birhen ang katuwang ng sambayanan tungo sa kanyang Anak na si Hesus.
“Our Lady of Fatima, the Blessed Mother brings us to Jesus, Jesus the reason of our faith, the foundation of our faith,” ani Archbishop Valles.