345 total views
Ang tunay na Kristiyano ay makabayan at responsableng nakikibahagi sa mga usaping panlipunan tulad ng halalan.
Ito ang paalala ni Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez para sa nakatakdang National and Local Elections sa susunod na taon.
Sa pamamagitan ng isang video message na ibinahagi ng Obispo sa Voice of the Word Media Network ng diyosesis ay hinakayat ni Bishop Varquez ang bawat isa na magparehistro sa kasalukuyang voters’ registration ng Commission on Election upang makasali at makabahagi sa nakatakdang halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo, nakalulungkot na nananatiling pera pa rin na nagiging pangunahing sukatan upang manalo ang isang kandidato tuwing halalan.
Giit ni Bishop Varquez, mahalagang magkaisa ang bawat mamamayang Filipino sa darating na halalan upang maipakita na ang pulitika ay hindi isang uri ng negosyo sa halip ay pagsiserbisyo sa publiko.
“Sumali at makiisa sa darating na halalan, sa COMELEC magparehistro. Ang tunay na Kristiyano ay makabayan at responsable na nakikiisa sa halalan. Nakakalungkot ang kalagayan kung pera pa rin ang sukatan para manalo sa halalan. Pagbabago ang panawagan ng bayan, bumoto na hindi pera ang basehan. Ipakita natin na politics is not a business, politics is service”.pahayag ni Bishop Varquez.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalagang iboto at ihalal ang mga kandidato na handang magsakripisyo ng sarili at magserbisyo para sa kabutihan ng bayan at ng mamamayan.
Partikular na hinamon ni Bishop Varquez ang mga kabataan na makibahagi sa pagsusulong ng pagbabago sa bayan sa pamamagitan ng matalinong pakikilahok sa nakatakang National and Local Elections sa susunod na taon.
Sinabi ng Obispo na hanggang buhay ang pananampalataya ng bawat isa ay hindi dapat na mawalan ng pag-asa sa pagkakaroon ng ganap na pagbabago sa bayan para sa ikabubuti ng bawat mamamayan.
“Bumoto ng kandidato na handang magsakripisyo sa sarili para sa kabutihan ng karamihan. I challenge everyone especially ang mga kabataan na simulan ang pagbabago. Huwag mawalan ng pag-asa, hanggat buhay ang pananampalataya ng tao ay may pag-asa sa pagbabago.” Dagdag pa ni Bishop Varquez
Unang nagkaisa ang iba’t ibang diyosesis sa buong bansa upang tumugon sa panawagang ng NASSA/Caritas Philippines na Kampana para sa Halalan 2022 bilang hudyat para sa nakatakdang halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga kampana ay layunin ng buong Simbahang Katolika na mapukaw ang atensyon at kamalayan ng taumbayan sa panawagan para sa lahat ng magpatala sa kasalukuyang voters’ registration.