385 total views
Kinondena ng grupong Living Laudato Si Philippines ang binabalak ng pamahalaan na pagtatayo ng “COVID-19 mega vaccination site” sa Nayong Pilipino.
Ito’y dahil kinakailangang putulin ang nasa 500 puno na lubhang ikinababahala ng iba’t ibang grupo dahil ito’y maaaring magdulot ng pagkasira sa kalikasan.
Ayon kay Rodne Galicha, Executive Director ng grupo na maraming paraan upang maisakatuparan ang vaccination sites nang hindi nasasakripisyo ang kalikasan.
Pagbabahagi ni Galicha na marami ring mga organisasyon at institusyon tulad ng simbahan ang nakahandang tumulong sa mga lokal na pamahalaan para sa pagkakaroon ng maayos na lugar ng pagbabakunahan laban sa COVID-19.
“But is that only actually about solving the problem? But it should solve the problem integrally na hindi naman nasasakripisyo ‘yung kalikasan… Marami namang mga buildings, mga facilities [at] bakanteng lote na pwedeng pagtayuan na hindi ka na magpuputol ng mga punongkahoy,” pahayag ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang tinutulan ng Nayong Pilipino Foundation ang binabalak na proyekto na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nilalagdaan ang Memorandum of Agreement dahil higit pa ring iniisip ang kapakanan ng kalikasan.
Binigyang-diin naman ng grupo na hindi na sa halaga ng punongkahoy laban sa tao ang pinag-uusapan rito, kundi ang maidudulot nitong pangmatagalang epekto sa pang-araw-araw na gawain ng mamamayan.
“Not to mention that COVID-19 is a zoonotic disease, the very same type of disease that is on the rise due to climate change. We cannot fight the effects of climate change with decisions that leave us with environmental concerns we will have to deal with later,” pahayag ng Living Laudato Si-Philippines.
Ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, hinihimok nito ang mga mananampalataya na pangalagaan ang sangnilikha, dahil sa ating pag-abuso sa kapaligiran ay tao rin ang nagiging biktima ng mga pinsalang idinudulot nito.