381 total views
Hinikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang sambayanang kristiyano na patuloy na hingin ang pamamagitan ng Mahal na Birhen para sa pagkamit ng kaligtasan at kapayapaan lalu na sa panahon ng pandemya.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo sa misa bilang pagpaparangal kay Maria kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima.
“Ipagdasal natin ang kapayapaan lalung-lalu na sa pagdarasal ng Santo Rosaryo. Nananawagan sya sa pamamagitan ng pagbabalik loob ng mga tao. Repentance. Hindi magkakaroon ng kapayapaan ang buong mundo kung ang puso ng mga tao ay hindi mapayapa. Kailangan natin ng pagsisi at kailangan natin ng sakripisyo para sa kapayapaan,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, hindi naiiba ang pangyayari noong 1917 nang magpakita ang Mahal na Birhen sa mga batang pastol ang panahong laganap din ang Spanish flu kung saan may 50 milyon katao ang nasawi at pagpapatuloy na karahasan dahil sa digmaan.
Ayon kay Bishop Pabillo sa kasalukuyang panahon, bukod sa pandemya ilang mga bansa din ang nakakaranas ng digmaan kabilang na ang Myanmar at Israel habang sa Pilipinas naman ay nararanasan ang kaguluhan dahil sa mga pagpaslang na iniuugnay sa anti-terror law at drug war.
Giit ng Obispo, higit kailanman ay kinakailangan ang pagdarasal ng rosaryo at hingin ang kalinga at pangangalaga ng Mahal na Birhen.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na sa kasalukuyang pag-iral ng community quarantine ay gamiting pagkakataon nawa ng bawat isa na ilaan ang panahon ng pananatili sa tahanan sa pamamagitan ng pagdarasal ng Rosayo.
Una na ring itinalaga ng Santo Papa Francisco ang buong buwan ng Mayo sa pananalangin ng Rosaryo bilang pagsusumamo sa Mahal na Birhen para sa kaligtasan at paghihilom ng buong mundo mula sa pandemic novel coronavirus.