175 total views
Nag-paalala ang Philippine Cancer Society sa mga kababaihan na magkaroon ng kaalaman patungkol sa Cervical Cancer.
Ayon kay Dra. Rachel Rosario, Executive Director ng Philippine Cancer Society Inc. (PCSI), lumalabas sa datos ng Department of Health na 20 kababaihan kada araw ang nadidiskubre na mayroon cervical cancer sa Pilipinas.
Paliwanag ni Dra. Rosario, ang cervical cancer ay maagang namang nalalaman at maaring maagapan kumpara sa ibang uri ng cancer.
“Sinasabi natin palagi early detection will lead to a cure at dito sa cervical cancer wag na natin hintayin na maging cancer kasi meron sya stage na pre-cancerous pa lang siya ay makikita na siya natutuklasan na kahit pre-cancerous pa lang o papunta pa lang doon pwede na bigyan ng solusyon” pahayag ni Dra. Rosario sa programang Caritas in Action.
Pinayuhan ni Dra. Rosario ang mga kababaihan na obserbahan ang kanilang mga sarili at magpasuri kada isa hanggang tatlong taon lalo na sa mga edad 30 anyos pataas.
Binalaan din ni Dra. Rosario ang mga kababaihan na iwasan ang pre marital sex sapagkat mataas ang tiyansa na magkaroon ng nasabing karamdaman kung magkaroon ng tinatawag na multiple sexual relationship.
“Especially medyo high risk tayo kung maraming nagiging partners sa ating buhay. Associated kasi ang cervical cancer dun sa tinatawag natin na ‘human papillomavirus’ nakukuha ito kapag merong relasyon ang isang babae sa isang lalake kaya mas maganda sana isa lang sa buong buhay sabi nga nila be faithful to one only.”
Sinabi din ng tagapamuno ng Philippine Cancer Society na dapat din iwasan ang paninigarilyo ng mga babae sapagkat nagdudulot din ito ng banta sa pagkakaroon ng cervical cancer.
“Mas mataas ang chance sa cervical cancer kung ang babae ay smoker o na-expose sa usok ng sigarilyo babalik tayo sa isa natin sinasabi na to prevent cancer do not smoke or sana wag tayo lumapit sa mga nanigarilyo.”dagdag ni Dra. Rosario.
Lumabas sa datos na ang cervical cancer ang ikalawa sa pinakamataas na kaso ng cancer sa mga kababaihan kung saan ang una ay ang pagkakaroon ng breast cancer.
Bukas naman ang Philippine Cancer Society Inc. sa mga nangangailangan ng tulong patungkol sa nabanggit na karamdaman. Maari din makipag-ugnayan sa programang Caritas in Action o sa crisis intervention program ng Caritas Manila sa numerong 0917 540 1189.