346 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communications ang mamamayan na tiyakin ang katotohanan sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa publiko.
Ito ang mensahe ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng komisyon sa pagdiriwang ng World Communications Day ngayong Mayo 16, 2021.
Ipinaliwanag ng obispo na mahalaga ang personal na pagsaliksik sa bawat impormasyon bago ibahagi upang maiwasan ang ‘fake news infodemic’.
“Sa pag-alam sa katotohanan at sa pagbabahagi nito ay ating masaksihan at alamin nang personal ang katotohanan sa pamamagitan ng karanasan at pagkilala sa tunay na sitwasyon at kalagayan ng mga tao at pangyayari; napakahalaga ang pag-iingat at pagsisigurado,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Tinuran ng obispo ang mabilis na pagkuha ng impormasyon gamit ang makabagong teknolohiya at internet gayundin ang pagpapakalat nito nang walang sapat na beripikasyon.
Sinabi ng opisyal ng social comunications ministry na lubhang mapanganib ang “search – google – post’ sapagkat may mga impormasyon sa internet na walang sapat na basehan dahilan upang lumaganap ang fake news sa lipunan.
Sa mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ika – 54 na World Communications Day binigyang diin nito ang kahalagahan ng pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan ng mamamayan sa lipunan.
Tema ngayong taon ang ‘Come and See’ na isang magandang paanyaya upang higit na mapadaloy ang mensahe ng Panginoon sa sangkatauhan.
Pinag-iingat din ni Pope Francis ang mamamayan sa epekto ng social media na laganap ang ‘misinformation’.
Hamon ng santo papa na gamitin sa mabuting pamamaraan ang internet at social media sa kapakinabangan ng mamamayan, sa pagbabahagi ng makatotohanang balita at mga Salita ng Diyos.
Hinimok ni Bishop Maralit ang mamamayan ang pananalangin sa Panginoon na maging daluyan sa pagbabahagi ng makatotohanang impormasyon.
“Ano pa nga ba ang mas gagaling pa kaysa PERSONAL at HARAPANG pagdanas at pag-alam sa katotohanan, at ang magnilay muna sa diwa ng panalangin bago maniwala at magpahayag ng balita o impormasyon,” giit ni Bishop Maralit.
Kaugnay nito, pangungunahan ni Bishop Maralit at Archdiocese of Manila Commission on Social Communications kasama ang mga diocese ng Ecclesiastical Province of Manila ang paggunita sa 55th World Communications Day sa Sabado May 15, 2021, ganap na 10:00 ng unaga via ZOOM.
Ang pagkilala sa mga individual at SOCOM ay mapapanood live via Facebook through TV Maria, Radio Veritas and RCAM Office of Communications pages.