618 total views
Iginiit ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na malaki ang naging pagkukulang ng pamahalaan upang mabigyang pansin ang lumalalang epekto ng climate change sa kalikasan.
Ayon kay Bishop Pabillo na sa kabila ng lumalalang pag-init ng mundo, higit pa ring iniisip ng pamahalaan ang pagkakakitaan kahit na higit nitong maaapektuhan ang kalikasan.
Patuloy pa rin nilang pinahihintulutan ang mga malalaking negosyante sa bansa na magsagawa ng mga ilegal na proyektong lalo lamang makadaragdag sa pagkasira ng ating likas na yaman.
“Malaki din ang pagkukulang ng pamahalaan at ng mga businesses, that for them it is business as usual kahit na nararamdaman na natin ang pag-init ng mundo. Profit pa rin ang mahalaga! Balewala ang mga perang kikitain natin kung sira na ang mundo natin,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon kasabay ng paglulunsad sa Laudato Si Week 2021.
Tinukoy rin ni Bishop Pabillo ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mining moratorium na ipinatupad upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng mga kagubatan at mapangalagaan ang mga lupaing ninuno ng mga katutubo.
Ayon sa Obispo, ang pagbawing ito sa moratoryo ay lalo lamang magbubunsod sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at red tagging sa mga pinuno ng mga komunidad na tutol sa pagmimina na sumisira sa kanilang hanapbuhay.
Marahil, dagdag ni Bishop Pabillo na dahilan rin nito ang papalapit na eleksyon kung saan kinakailangan ng mga pulitiko ng pera upang magamit sa kanilang kampanya na nagiging daan naman sa mga malalaking mining firms upang makakuha ng permiso.
“Mas pinapanigan pa ng mga pulis at mga military ang mga dayuhang mining companies kaysa ang mahihirap natin at ang mga tagapangalaga ng ating kalikasan. Talagang kailangan nila ng pera para sa election. At ang mga big mining firms ay mamumudmod iyan ng pera para makakuha sila ng mga permits,” dagdag ni Bishop Pabillo.
Sa huli’y hiniling ni Bishop Pabillo na siya ring pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity sa mga mananampalataya na nawa ang paggunita sa Laudato Si Week ay mamulat ang bawat isa hinggil sa iba’t ibang kaganapan sa kalikasan, gayundin ay pagpanibaguhin ang ugali’t pananaw alang-alang sa kaligtasan ng ating mundo.
Hinikayat din nito ang pag-aalay ng panalangin sa Poong Maykapal upang gawaran ang bawat isa ng pagmamahal at pagmamalasakit para sa ating nag-iisang tahanan.
Simula Mayo 16 – 25, 2021 ay ipagdiriwang ng simbahan ang Laudato Si Week bilang paggunita sa ikaanim na anibersaryo ng ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na unang nilagdaan noong Mayo 24, 2015.
Ito ang ikalawang ensiklikal na nilathala ni Pope Francis kasunod ng Lumen Fidei; at ito rin ang itinuturing na kauna-unahang ensiklikal na patungkol sa tamang pangangalaga sa kalikasan.