457 total views
Nananawagan ng tulong at panalangin ang Philippine General Hospital Chaplaincy para sa mga pasyenteng naapektuhan ng naganap na sunog sa PGH nitong umaga ng Mayo 16.
Ayon kay Jesuit Priest Fr. Marlito Ocon, head chaplain ng ospital na karamihan sa mga pansamantalang inilikas sa PGH Chapel ay mga buntis at mga bagong panganak na sanggol.
“Ang [dinala] dito sa chapel ay mga new born [babies], pedia [patients] and then later on sumunod din ‘yung ibang mga pasyente na walang mapuntahan,” bahagi ng pahayag ni Fr. Ocon sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Ocon na nagsimula ang sunog bandang alas-2 ng madaling araw sa Operating Room Complex sa ikatlong palapag ng gusali.
Mabilis na kumalat ang apoy sa buong palapag na ang makapal na usok ay nakaapekto na sa iba pang palapag ng gusali.
“Base sa kwento ng mga security guard, nagsimula sa 3rd floor sa OR [Operating Room] Complex, tapos nung pumasok sila nakita nilang nag-spark ‘yung mga wire. So nagsimula nang kumalat sa buong ceiling kaya medyo malaking damage ang 3rd floor kasi doon nagsimula [ang sunog] and then ‘yung usok pumasok na doon sa may 4th at iba pang floors,” ayon kay Fr. Ocon.
Sa ngayon, hindi pa direktang mailipat ang ibang pasyente sa Neonatal Intensive Care Unit dahil may natitira pa ring usok na delikado kapag nalanghap ng mga pasyente.
Samantala, mayroon namang inilunsad na fund raising drive ang PGH Administration para sa mga higit na naapektuhan ng naganap na sunog.
Narito ang detalye kung saan maaaring ipadala ang tulong:
Ipinagpapasalamat naman ni Fr. Ocon na naging alerto at nagtulong-tulong ang lahat ng mga health workers upang mailigtas sa sunog ang mga pasyente.
Patuloy naman ang Bureau of Fire Protection sa pagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng sunog.
Batay sa ulat, naapula ang sunog bandang alas-5:41 ng umaga na aabot sa humigit-kumulang P300,000 ang naitalang pinsala sa gusali.
Pansamantala namang isasara ang emergency room ng PGH at hindi muna tatanggap ng mga pasyente kasunod ng naganap na insidente.