985 total views
Nagbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan ang pagbibigay sa kapwa! Ito ang paalala ni Rev. Fr. Antonio Gerardo Sanchez ng Diocese of Antipolo sa mabuting dulot ng pagtulong sa iba at pagbibigay sa kapwa ng walang hinihintay na ano mang kapalit.
Sa pagbabahagi ni Fr. Sanchez sa programang Caritas in Action, sinabi nito na kapag tayo ay nagbibigay sa kapwa ay nagdudulot ito ng positibong epekto sa ating mentalidad at pananaw sa buhay, Sinabi ng Pari na maliit man o malaki ang ibinabahagi basta’t ito ay bukal sa kalooban ay mayroon mabuting dulot sa ating kaisipan at pakiramdam.
“Wag natin kalimutan kapag tayo ay nagbibigay malaki man o maliit ito po yun kaganapan na hindi lang mabigyan natin ng fullness of life yun mga tao tinutulugnan natin kundi ito din ang nagbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan” “kung tatanungin nga natin ang ibang tao sino ba ang tunay na masaya yun nagbibigay o yun binibigyan? at dito po natututo tayo magbigay” pahayag ni Fr. Sanchez na siya din Priest Coordinator ng Pondo ng Pinoy sa Diocese of Antipolo.
Aminado si Fr. Sanchez na kung minsan ay pinaghihinaan tayo ng loob sa pagbibigay sa kapwa, gayunpaman pinaalala nito ang katuruan ng pagiging mabuting Kristiyano kung saan ang pagtulong sa kapwa ay pagpapamalas din ng pag-ibig at katatagan ng pananampalataya sa Diyos.
“Ginagamit tayo ng Diyos na maipahayag natin ang kanyang pagmamahal, ang kanyang kabutihan sa ating kapwa kaya sa lahat ng nakikinig ngayon ito ay misyon natin bilang Kristiyano na tayo ay nagkakaisa nagtutulungan at nagmamahalan at ito ay ipakita natin sa ating mga kapatid lalo na sa mga nangangailangan na sila ay tulungan at ipakita at ipadama ang pag-ibig at awa ng Diyos sa kanila.”
Magugunitang ang Simbahang Katolika ang itunuturing na pinakamalaking charitable institution sa buong mundo. Apektado man ng pandemya ay hindi ito sagabal sa simbahan na magsagawa ng pagtulong sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa para sa mga mahihirap.