322 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na magbuklod-buklod tungo sa isang pananampalataya. Ito ang bahagi ng pahayag ng obispo sa isinagawang turnover ceremony at pagtalaga sa dambana ng St. Peter the Apostle Parish o Loboc Church nitong Mayo 16, 2021.
Ipinaliwanag ni Bishop Uy na mahalaga ang pagkakaisa ng bawat mananampalataya sa pagtugon sa anumang hamon na kakaharapin upang sama-samang mapagtagumpayan sa tulong ng Panginoon.
“May we continue to walk together in our journey of faith, may we never forget the past be ever mindful of the present and continue rising everytime we fall as we face the future with hope,’ bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Matatandaang isa ang Loboc church sa 25 simbahan sa Diyosesis ng Tagbilaran na labis napinsala sa 7.2 magnitude na lindol noong Oktubre 2013. Katuwang ng diyosesis sa isinagawang restoration ang national government bilang ang simbahan ay idineklarang National Cultural Treasures at National Historical Landmark.
Itinatag ang simbahan ng mga paring Heswita noong 1602 subalit napinsala ng sunog noong 1638. Taong 1734 nang itinatag ang mas matibay na simbahan ng Loboc na gawa sa coral stone subalit tuluyang nasira ng lindol noong 2013.
Pinasalamatan ni Bishop Uy ang lahat ng sektor na nagtulong tulong upang muling maisaayos ang simbahan at higit na maipalaganap ang misyon ng Panginoon. Kinilala ng obispo ang katatagan ng pananampalataya ng mamamayan sa lugar na nakaugat sa pag-ibig ng Panginoon.
“Thank you for your tireless dedication to pursue the commitment to restore and bring back the magneficience and beauty of God’s holy temple in Loboc, a living testament of faith and resilience of the Boholano people,” ani Bishop Uy.
Nauna nang naglaan ng 2.5 bilyong piso ang national government para sa restoration ng apat na historical churches ng Bohol kabilang na ang Loboc Church.
Napapanahon din ang muling pagbubukas ng simbahan at pagtatalaga ng dambana nito sa pagdiriwang ng bansa sa ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa Pilipinas. Dumalo sa turn over ceremony ang mga opisyal ng National Museum of the Philippines, National Historical Commission, Provincial Government of Bohol sa pangunguna ni Governor Arthur Yap, mga lokal na opisyal ng Loboc, kawani ng diyosesis at si Sorsogon Bishop Emeritus Arturo Bastes na residente ng Loboc Bohol.