176 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, kahit si Pope Francis ay nababahala sa bumababang pagpapahalaga ng mga tao sa pulitika. Itinuturing ng mga panlipunang turo ng ating Santa Iglesian ang pulitika bilang isang “lofty vocation”, isang matayog na bokasyon. Ngunit sa obserbasyon ng ating Santo Papa sa mga nangyayari lalo na nitong mga nakaraang taon, ang buhay-pulitika sa maraming lipunan ay hindi na nakatuon sa pag-uusap tungkol sa mga pangmatagalang plano upang mapabuti ang kalagayan ng mga tao. Hindi na ito nakatuon sa kabutihang panlahat o common good, ngunit nagiging pamamaraan na upang magbenta, ‘ika nga, ng mga ideyang papatok sa mga tao para lamang makalamang ang isang pulitiko sa kanyang mga katunggali.
Dito sa Pilipinas, nagkakaroon ng mga debate ang mga kandidatong nais maging pangulo. Mahalaga ang ganitong mga debate dahil doon nakikilala ng mga botante ang mga taong sumusuyo sa kanila para mailagay sa balota.
Noong 2016, maituturing na pinakatinutukan ang debate ng mga kumakandidato sa pagkapangulo, na kinabibilangan ng mayor noon ng Davao City na si Pangulong Duterte. Pinakatumatak nga sa marami ang kanyang naging sagot sa tanong ng isang mangingisda mula sa Pangasinan tungkol sa kung ano ang gagawin ni Ginoong Duterte, kung sakaling manalo siya, upang mapayapang makapangisda sila sa karagatang pilit na inaangkin ng China. Matapang ang naging sagot ng kandidatong si Ginoong Duterte: sasakay daw siya ng jetski papunta sa Scarborough Shoal at itatanim ang watawat ng Pilipinas bilang simbolo ng paninindigan ng Pilipinas. Handa raw siyang ialay ang kanyang buhay upang ipagtanggol ang nararapat para sa mga Pilipino. Ang matatapang na salita ni Pangulong Duterte ang nakakuha ng tiwala ng 16 na milyong botante, kabilang ang mga mangingisdang laging tinataboy ng mga dayuhan mula sa ating karagatan.
Fast-forward ngayong 2021, sinabi ni Pangulong Duterte na “pure campaign joke” lamang ang kanyang isinagot noon sa debate—“bravado” lamang, mga salitang punung-puno ng yabang at kumpiyansa para lamang masuyo ang mga nakikinig. “Stupid” o mangmang daw ang mga naniwala sa birong binitiwan niya tungkol sa isang seryosong isyu. Nakasasamâ ng loob ang sinabing ito ni Pangulong Duterte, lalo na para sa mga mangingisdang lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil hindi na sila makapalaot sa dagat na sila ang dapat na nakikinabang bilang mga Pilipino.
At sa napakahabang panahon, ang mga mangingisda ang pinakamahirap sa mga batayang sektor sa bansa—halos apat sa sampung mangingisda (o 39.2%) ang kumikita nang mas mababa sa halagang itinuturing na sapat upang masabing hindi sila mahirap. Kaya hindi natin masisisi kung marami sa kanila ang napaniwala ni Pangulong Duterte at pinili siyang maging ama ng ating bayan. Marahil, nakita nila sa kanya ang isang matapang na tagapagtanggol, isang nagmamalasakit sa taong mag-aangat sa kanila mula sa kahirapan. Ngunit istupido pala sila sa pangingin ni Pangulong Duterte.
May ganitong mga salita sa Mateo 5:37: “Sabihin mo na lang na ‘oo’ kung oo at ‘hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa masama.” Ganito ang diwa ng tinatawag nating mga Pilipino na palabra de honor, at inaasahan natin ito sa sinuman, lalo na sa ating mga pinuno. Batid ng mabubuting lider ang bigat ng kanilang mga salita kaya mahalagang pinag-iisipan nilang mabuti ang lumalabas sa kanilang bibig at panindigan ang mga ito.
Mga Kapanalig, maging masakit na aral sana ito sa atin. Sabi nga ng nadismayang mangingisdang nagtanong noon mismo kay Pangulong Duterte, “Pag-isipan [nating] mabuti kung sino talaga ang makakatulong talaga sa atin, sa ating mga kababayan.” Sagipin natin ang pulitika sa ating bayan upang manatili itong matayog na bokasyon, hindi isang larong nilalahukan ng mga manloloko.