385 total views
Mga Kapanalig, sa panahon ng mahigpit na pangangailangang maprotektahan ang ating mga kababayan sa sakit na dulot ng Covid-19, nagsusumikap ang pamahalaan upang maparami ang mga mababakunahan sa lalong madaling panahon.
Lumutang kamakailan ang mungkahing magtayo ng isang malaking “vaccination facility” sa lupang pag-aari ng gobyerno kung saan naroon ang Nayong Pilipino, isang pasyalang nagtatampok ng mga replika ng magagandang tanawin sa ating bansa. Ang pagtatayuan ng nasabing pasilidad ay nakapaloob umano sa isang “buffer zone” ng isang itinuturing na “protected area” kung saan may mga gumagalang hayop at mga ibong napapadpad at sumisilong sa mga puno roon. Mabubulabog ang mga ito sakaling ipatayo ang bagong istruktura doon.
Sa kabila ng magandang layuning mapabilis nga ang pagbabakuna sa mga tao, nagkaroon ng kontrobersya ang panukala. Isang pribadong kumpanya ang nag-alok na magpatayo ng temporary vaccination facility, ngunit ayon sa nagbitiw na pinuno ng board of directors ng Nayong Pilipino Foundation, wala raw naibigay na mga dokumentong maaaring magbigay ng legal na basehan upang pahintulutan ang isang pribadong kompanyang gamitin ang lupang pag-aari ng gobyerno.
Sa panig naman ng pribadong kompanya, hindi naman daw permanente ang itatayong pasilidad, Itatayo raw ito sa isang “reclaimed” na bahagi ng nasabing lupain na hindi naman daw ginagamit. Mas mainam daw ang pagtatayo ng isang malaking pasilidad kaysa ipaubaya lamang sa mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna. Sa katunayan, kailangan daw ng marami pang malalaking ganitong pasilidad upang mabilis magawa ang nararapat na pagbabakuna ng mga mamamayan. Sinang-ayunan ng mga kalihim ng Department of Health at Department of Tourism, pati ng Malacañang ang nasabing proyekto.
Sa palitan ng mga argumento ng magkabilang panig, tila wala namang pagtatalo sa pagtatayo ng nasabing pasilidad kung susundin lamang ang nakasaad sa batas na magkaroon ng legal na batayan sa pagpapagamit ng lupa ng gobyerno sa isang pribadong kumpanya. Ang pagsunod sa batas ay sandigan ng isang matatag na demokratikong lipunan sapagkat ang bawat isa—indibidwal man, kumpanya, o gobyerno—ay inaasahang sumunod sa batas. Sa ganitong paraan nabubuo at tumitibay ang tiwala ng mga pinamumunuan sa mga namumuno.
Sinasabi ng mga pag-aaral na ang mauunlad na bansa ay sagana sa ganitong uri ng tiwala, kaya hindi nasasayang ang oras at pera nila sa mahahaba at kumplikadong proseso para lamang magawa ang mga dapat gawin. Lahat kasi ay sumusunod sa patakaran at sa batas. Samantala, ang mga mahihirap na bansa ay maraming inaaksayang panahon at pera sa mga kumplikadong regulasyon, pati na sa panunuhol o korapsyon, para lamang magawa ang mga dapat gawin.
Ang kahalagahan ng tiwala sa pagitan ng namumuno at pinamumunuan ay nakasalalay sa pagtupad at pagsunod sa batas. Ito ang karunungang nais ipabatid ng 1 Pedro 2:13 sa mga nananampalatayang “magpasakop kayo sa bawat pamamahalang itinatag ng tao alang-alang sa Panginoon.” Ang pagsunod sa batas alang-alang sa Panginoon ay magbubunga ng maayos na lipunan.
Ngunit ano naman ang tungkulin ng pamahalaan sa pagsunod sa batas? Ayon sa Pacem in Terris, napapangalagaan ang kabutihan ng lahat kapag natitiyak ang mga karapatan at tungkulin ng mga mamamayan. Kapag napoprotektahan, nirerespeto, at naisusulong ang mga karapatan ng mga mamamayan, mas nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa lipunan. At ito ang layunin kung bakit may mga batas tayong binuo nang may pagsang-ayon ng mga pinamamahalaan: ang siguruhing napapangalagaan ang kanilang kapakanan.
Mga Kapanalig, upang tumibay ang tiwala ng mga mamamayan sa mga namamahala sa kanila, napakahalagang ang naaayon sa batas ang mga kilos ng pamahalaan. At kapag may tiwala ang tao, ang pag-unlad at kabutihan ng lahat ay mas madaling nakakamit.