827 total views
Ipinagpapasalamat ng Immaculate Conception Parish sa Diocese of Antipolo ang suporta na ibinibigay ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. para sa kanilang proyekto na Our Lady of Organic Garden sa Cainta Rizal.
Ayon kay Rev. Fr. Noeh Elnar, Parish Priest ng nasabing parokya, labis ang kanilang pasasalamat sa Pondo ng Pinoy matapos suportahan ang kanilang proyekto na naglalayon magbigay ng kabuhayan sa mga mahihirap na residente sa Vista Verde, Cainta Rizal.
Sinabi ni Fr. Elnar na ang organic garden ay kasalukuyang nakakatulong sa may mahigit 20 pamilya sa pamamagitan ng mga inaani at nabebentang organic vegetables.
Naniniwala ang pari na mahalaga ang mga livelihood program upang hindi lamang umaasa sa ayuda ang mga mahihirap at sa halip ay nabibigyan sila ng pagkakataon na mas mapalago ang kanilang mga pinagkakakitaan.
“Kasi ‘di ba nasa Covid-19 pandemic tayo ang dami walang trabaho tapos nakita namin last year nagpupunta kam isa mga nasa laylayan na sakop ng Parokya nagbigay kami ng ayuda, nakita namin na may pwede pang gawin hindi lang ayuda ng ayuda ang pwedeng nating ibigay.”
“Naisipan namin na turuan sila kung paano ma sustain ang pagtulong ng Simbahan. Una maliit lang na area tapos naisip namin na maganda ito palakihin.” pahayag ni Fr. Elnar sa panayam ng programang Caritas in Action.
Ipinagpapasalamat ni Fr. Elnar na sa pamamagitan ng 25 sentimos na nalilikom ng Pondo ng Pinoy ay napagkalooban sila ng humigit kumulang P300 libong piso para sa nasabing proyekto.
“Kahit maliit lang kapag naipon sa isang bottle na nilalagyan ng tubig maiipon malaking bagay maraming matutulungan hindi lang kami kundi maging yun ibang nangangailangan. Ito ay nakakatuwa nakakapagbigay ng saya sa kalooban at syempre pasasalamat sa kapwa at higit sa lahat sa Diyos.” Pahayag pa ng Kura Paroko ng Immaculate Conception Parish sa Vista Verde, Cainta Rizal.
“Kami po ay labis na nagpapasalamat sas pondo ng pinoy sa pagsang ayon po nila na kami ay bigyan ng pagkakataon na mabigyan ng malaking halaga para magamit sa our lady’s of organic garden.”
Hinimok ni Fr. Elnar ang iba pang mga paorkya na gawin din ang kahalintulad na proyekto upang mabigyan ngkabuhayan ang mga mahihirap na kanilang nasasakupan.
“Sabi nga ni Bishop Francis [De Leon] kapag ito ay naging matagumpay sabihin ko sa iba’t ibang Parokya lalo na dito sa Dicoese ng Antipolo na kung mayt mga idle lot sila ganito din ang gawin lalo na ito organic”
Magugunitang ang Pondo ng Pinoy ay tumutulong sa iba’t-ibang mga parokya at Diyosesis sa pamamagitan ng kanilang nalilikom na bente singko sentimos.