325 total views
Aminado ang ilang volunteers ng Caritas Manila na nasusubok ang kanilang katatagan dahil sa pagpupumilit ng ilan na makatanggap ng ayuda o gift certificate bagamat sila ay hindi napapabilang sa mga pinakamahihirap na mamamayan.
Ito ang naging kwento ni Jossie Osial, isa sa mga volunteer ng Caritas Manila sa Immaculate Conception Parish sa Tondo Manila kaugnay sa kanyang karanasan bilang lingkod ng Simbahan.
Ipinaliwanag ni Osial na hindi maiiwasan na sila ay nahaharap sa mga reklamo at pagpupumilit ng ilan na mabigyan ng ayuda bagamat sila ay nakatanggap na o kaya naman ay hindi napapabilang sa kategorya na laan para sa nasabing tulong.
“Sa akin po, ang naranasan ko po yun wala sila sa listahan pinipilit po nila na mabigyan sila ng gc [gift certificate] eh ang ipinamamahagi po natin galing po sa caritas [Manila] ang listahan”.ang binibigyan lang po muna natin ay yung mga ultra poor o yun po na hindi umaabot sa 10 libong piso ang kanilang kita sa bawat buwan sapagkat limitado lamang po ang mayroon din tayong naipapamigay” pahayag ni Osial sa panayam ng programang Caritas In Action.
Gayunpaman, patuloy na nagiging matatag ang mga volunteers ng Caritas Manila na tulad ni Osial na labis ang nagiging pasalamat sapagkat sila ay nakakatulong sa kanilang kapwa.
“Noong nagkaroon po ng sunod-sunod na mga sunog agaran po silang natulungan ng Caritas Manila, nagpapasalamat po tayo sa mabilis natin na pagtulong.. nabigyan po sila ng mga Foodpack, Thermos, Tsinelas at mga damit po.” pagbabahagi ni Osial.
Abala ngayon ang Caritas Manila sa pamimigay ng mga Gift Certificates bukod pa sa iba’t-ibang mga regular na pagtulong at programa laan para sa mga mahihirap.
Noong taong 2020 kasabay ng pagpapatupad ng mga Community Quarantine sa bansa ay umabot sa P1.3 Bilyong piso ng gift certificate ang naipamigay ng iba’t-ibang business sector sa pamamagitan ng Caritas Manila.