180 total views
Mga Kapanalig, nakapagpabakuna na ba kayo laban sa COVID-19?
Kung may pagkakataon at kayo ay naabisuhan na ng inyong lokal na pamahalaan na mayroon nang bakuna sa inyong lugar, magpabakuna po tayo. Sabi nga ni Pope Francis, ang pagpapabakuna ay isang morál na obligasyon dahil inililigtas nito hindi lamang ang ating mga sarili kundi pati ang buhay ng iba.
Gayunman, napakababa pa rin ng porsyento ng ating populasyon ang nababakunahan. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nasa 2.5 milyon na ang nakatanggap ng first dose, habang mahigit 780,000 pa lamang ang nabigyan ng second dose o ng kumpletong bakuna. Upang makamit natin ang tinatawag na herd immunity o ang sapat na bilang upang masabing may sapat nang proteksyon ang mas nakararami sa atin, kailangang umabot sa 70% ng populasyon ang mabakunahan laban sa COVID-19. Ngunit mula nang magsimula ang lehitimong pagpapabakuna sa ating bansa, nasa 2.3% pa lamang ang nakatanggap ng unang dose habang wala pang 1% ang nakakumpleto na ng bakuna. Ito ang dahilan kung bakit pangatlo sa huli ang Pilipinas sa sampung bansa sa Timog Silangang Asya pagdating sa bahagdan ng populasyong nakatanggap ng at least isang dose ng bakuna.
Maliban sa mabagal na pagdating ng bakuna sa ating bansa, marami pa rin sa atin ang may agam-agam na magpabakuna. Isa sa mga pinanggagalingan ng agam-agam na ito ay ang mababang kumpiyansa ng mga Pilipino sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan. Sa huling survey ng Social Weather Stations (o SWS), kalahati lamang (o 51%) ng mga Pilipino ang nagsabing nagtitiwala sila sa programang ito ng pamahalaan. Hindi pa sigurado ang 31% habang 17% ang walang confidence. Sa mga nagsabing tiwala sila vaccination program ng pamahalaan, 58%—o anim sa sampu—ang nagsabing bukás silang tumanggap ng bakuna. Kasama rin sa mga dahilan kung bakit hindi pa sigurado o ayaw ng mga Pilipinong magpabakuna ay ang takot sa mga posibleng side effects, ang paniniwalang hindi ligtas at epektibo ang mga bakuna, at ang takot na mamatay base na rin sa mga naririnig nilang mga report.
Napakalaking hamon ito para sa ating pamahalaan. Paano nito makakamit ang target na bakunahan ang 70% ng ating populasyon kung napakababa ng kumpiyansa ng mga Pilipino sa pagpapabakuna?
Ngunit sa halip na paliwanagan ang mga Pilipino tungkol sa mga bakuna, nais ng pamahalaang hindi na ipaalám sa mga tao kung ano ang bakunang ituturok sa kanila. Ito ay matapos dumagsa sa ilang lugar ang mga nais makatanggap ng bakunang Pfizer, ang bakunang gawa sa Amerika at gusto ng mas marami. Mataas kasi ang tinatawag na efficacy rate nito kumpara sa Sinovac, ang bakunang mula sa China. Dahil dito, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (o DILG) ang mga lokal na pamahalaan na huwag nang ianunsyo ang pangalan ng mga bakunang tatanggapin ng kanilang mga nasasakupan. Nais kasi ng Department of Health (o DOH) ang isang “brand agnostic” na COVID-19 vaccination program.
Minsan na tayong sinabihan ng pamahalaang huwag maging choosy o pihikan sa bakunang ituturok sa atin. Ngunit hindi ba’t karapatan nating malaman kung ano ang bakunang ilalagay sa ating katawan, lalo pa’t may kinalaman ito sa ating kalusugan? Umabot tayo sa puntong ito dahil mistulang pinapaboran lamang ng pamahalaan ang bakuna mula sa iisang source, ngunit sa dami ng inutang natin, bakit hindi tayo bumibili ng mga bakunang mas mataas ang efficacy rate?
Mga Kapanalig, sa harap ng matinding krisis, ang kailangan natin ay mga lider na, wika nga sa Mga Awit 78:72, matuwid na namamahala at namamalakad nang mahusay. Kaakibat ng mga katangiang ito ang hindi pagtatago ng tamang impormasyon sa kanilang mga pinamamahalaan.