386 total views
Patuloy ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa pamamahagi ng tulong at suporta sa mga pamilyang apektado ng umiiral na pandemya.
Ito’y sa pamamagitan ng MaLASACkit kindness station na natulungan ang nasa mahigit 500 pamilya o mahigit 2,000 indibidwal mula sa Barangay San Sebastian sa Balete, Batangas.
Pinangunahan ni LASAC Program Facilitator on Healthcare Rev. Mark Ian Abu ang pamamahagi ng tulong at mga sariwang pagkain sa mga pamilya na nagmula sa pinagsama-samang donasyon ng mga Batangueno.
Maliban sa layuning makatulong sa kapwa, sinisikap din ng proyekto na makatulong sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic.
Kaya naman hinihikayat ang mga residente na magdala ng mga sariling lalagyan upang maiwasan ang kalat at basura sa kapaligiran.
Samantala, mayroon ding QR Codes ang mga benepisyaryo na naglalaman ng kanilang mga impormasyon upang maayos na maipatupad ang pamamahagi ng tulong at masunod ang minimum health protocols laban sa COVID-19 transmission.
Inilunsad ang Malasakit kindness station noong ika-12 ng Mayo at patuloy na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Batangas tuwing Miyerkules sa loob ng dalawang buwan
Mula nang umiral ang pandemya noong nakalipas na taon, sinimulan ng Caritas Philippines ang mga kindness stations na layong magbigay ng libreng pagkain lalu na sa malalayong lalawigan.
Batay sa huling tala, aabot na sa 300 community pantries ang naitayo sa bansa na nagbigay ng kagyat na ayuda sa mamamayan.