168 total views
Mga Kapanalig, kahapon, ika-4 ng Setyembre, naganap ang pagtatanghal kay Mother Teresa ng Calcutta bilang isang ganap na santo. Noong nabubuhay pa si Mother Teresa, siya ay binansagan nang “the living saint”, isang buhay na banal. Kaya naman ang canonization, o ang proseso ng pagkilatis at pagpapasiya ng Simbahan kung ang isang tao ay karapat-dapat na tanghaling isang santo, ay naging maikli lamang sa kaso si Mother Teresa, na ngayon ay atin nang matatawag na Santa Teresa.
Si Santa Teresa ay ipinanganak sa bansang Yugoslavia. Sinimulan niya ang kanyang buhay bilang isang relihiyosa sa bansang Ireland at nagturo sa isang high school para sa mga batang babae sa Calcutta. Higit siyang nakilala sa kanyang mahabang paglilingkod sa mga pinakadukha sa mga dukha, at sa mga maysakit, sa mga mahihirap na pamayanan at mga kalsada ng naturang siyudad. At nakilala na nga siya bilang Mother Teresa ng Calcutta.
Bagamat si Santa Teresa ay isang relihiyosa, ang kanyang buhay ay nagsisilbing isang napakagandang halimbawa para sa mga laiko na nagsisikap mabuhay sa ating mundo na puno ng kahirapan, hindi pagkakaunawaan, at kaguluhan. Ayon sa ating Simbahan, ang mga laiko ay tinatawag na linangin ang isang tunay na espiritwalidad na panlaiko, na ginagawa silang pinabanal o “sanctified” at tagapagpabanal o “sanctifier”. Sila ay puspos ng hiwaga ng Diyos samantalang nakapaloob sa buhay ng lipunan. Ito ay ang tawag hindi lamang para sa mga relihiyoso at banal na tulad ni Santa Teresa, kundi sa bawat Kristiyano, maging mga laiko.
Mga Kapanalig, tinatawag ang mga laiko na makilahok at mag-ambag sa pagpapabanal ng mundo. Sa katunayan, ang pagpapabanal sa mundo upang umayon ito sa kalooban ng Diyos ang siyang natatanging bokasyon ng mga laiko. Paano ito gagawin?
Isa sa maari nating matutunan kay Santa Teresa ay ang pagmalas niya sa mukha at pagkatao ng ating Panginoon sa bawa’t tao, lalo na mga dukha at nangangailangan. Itinuturo sa atin ng ating Simbahan na tungkulin nating linangin ang isang marubdob na pag-ibig sa Panginoon, isang pag-ibig na hindi nilalayo ang ating tingin mula sa ating kapwa. Sa katunayan, ang biyayang natatamo ng isang taong tunay na nagmamahal sa Panginoon ay ang makita ang kanyang kapwa kung paano siya tinatanaw ng ating Ama, at mahalin ang kanyang kapwa kung paano siya mahalin ng Diyos.
Sa mga laiko nakaatang ang banal na gawain ng pagpapanibago ng mundo, ang pagpapabanal sa mundo. Kaya nga, mga Kapanalig, hinihingi sa bawat laikong nananampalataya na palakasin ang kanyang buhay ispiritwal sa pamamagitan ng panalangin at mga sakramento, lalo na ang pag-ibig sa Eukaristiya, at pakikinig at pagtalima sa Salita ng Diyos. Ang ating buhay pananampalataya ay kailanman hindi maaring hiwalay sa ating buhay sa mundo.
Nawa’y matuto tayo, mga Kapanalig, sa halimbawa ni Santa Teresa. Tanging ang malalim, tapat, at marubdob na pag-ibig niya sa Panginoon ang naging bukal ng nag-uumapaw niyang pag-ibig sa mga dukha at mga naghihingalo sa mga lansangan ng Calcutta. Ang mga taong iniiwasan at pinandidirihan ng marami ay naging lubhang kaakit-akit sa paningin ni Santa Teresa, sapagkat nakita niya ang mukha ni Hesus sa kanila.
Mga Kapanalig, maraming mga tao sa ating lipunan ang nangangailangan ng ating pagpansin, pag-unawa, at pagkalinga. Bilang mga laiko, kayo ang higit na may kakayahang tulungan sila dahil sa inyong mga kakayahan, kaalaman, at kayamanan. Kayo ang nakalubog sa buhay publiko, sa mga institusyon ng gobyerno at ng pribadong sector, sa mga paaralan at pamantasan, mga institusyon ng kaalaman at kultura, at sa mga pamayanan. Sa mundong ito kayo tinatawag na maging pinabanal at tagapagpabanal, “sanctified and sanctifier.” Ngunit huwag kalimutan, mga Kapanalig, na magaganap lamang ito kung tulad ni Santa Teresa, ang pinaghuhugutan ng ating pagtingin sa ating kapwa ay ang pag-ibig sa Diyos na unang umibig sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.