164 total views
Hindi lamang minsan tinanong sa akin sa isang panayam ng mga kabataan alin daw ba ang dapat nilang pakinggan: sigaw ng puso o sigaw ng isipan? "Trending" ang tanong at ang mabilis kong tugon palagi nilang unang pakinggan sinisigaw ng kanilang mga magulang!
Matapos ang tawanan aking pinagnilayan at binalik sa kanila isa pang katanungan: ang puso ba ay humihiyaw sa paghahayag ng kanyang kalooban? Hindi ba maging kanyang pagtibok sadyang napakahina, tayo ay hinihimok taimtim na sa kanya makinig?
Kung ang puso ma'y humihiyaw, isinisigaw kanyang nilalaman marahil wala tayong masyadong alitan at mga kaguluhan dahil sa bawat pintig ng puso naroon tinig ng pag-ibig na dalisay.
Naalala mo ba una mong pagsinta first love kung tawagin ngunit kay hirap limutin kakaibang naramdaman binabalik-balikan sa lilim ng katahimikan iyong iniingat-ingatan na huwag mabunyag at malaman?
Noong bata pa tayo at wala pang kamuwang-muwang sa kalokohan at kasinungalingan bulong ng puso madaling napapakinggan ngunit sa ating pagtanda puso atin nang tinuturuan sariling kagustuhan siyang laging sundin at pakinggan.
Humiyaw man ang puso parating pabulong hirap niyang maiahon katotohanang ating binaon kinukuyom-kuyom naghihintay ng pagkakataon pawalan katotohanang naroroon pagdating ng panahon.
Sa tuwing ika'y nasasaktan sa salitang sa iyo binitiwan masakit dahil ito ang katotohanan na noon mo pa alam ngunit ayaw mong pakinggan puso mo ay tinalikuran kaya ika'y babalikan ibabaon sa katotohanan.