181 total views
Sumasabay sa malawakang krisis pangkalusugan ang nagbabantang pagkasira rin ng ating mundo.
We are running against time, kapanalig. Ayon sa mga eksperto, tumaas na ang temperatura sa ating mundo ng 1.1°C ngayon, magmula noong Industrial Revolution. Kung tataas pa ito at lumampas ng 2°C, irreversible na o di na natin mababawi pa ang pinsala sa ating planeta.
Ang pangunahing rason ng pag-init ng mundo ay ang mataas na antas ng GHG emissions sa ating kalawakan. Ito ay mga emisyon na nagmumula sa ating pag-gamit ng enerhiya mula sa mga fossils fuels, langis, coal, at gas.
Kapanalig, sa ngayon, sa buong mundo, nanggagaling pa rin sa mga nonrenewable sources ang enerhiya, na isa sa malalaking dahilan ng pag-init ng mundo. Nung panahon ng malawakang quarantine sa buong mundo, kapanalig, hindi ba’t nakita natin na malaki ang nabawas ng emisyon, luminaw ang langit, ang umaliwalas ang hangin. Mainam sana kung laging mababa ang emisyon – kaya lamang nang muling magbukas ang mga ekonomiya, dahan-dahan ding tumaas ulit ang ating emisyon. Kung ating lamang sana mapapanatiling mababa ito, ating masasalba pa ang ating nag-iisang planeta mula sa mga masasamang epekto ng climate change.
Kaya lamang, mukhang hirap ang mundo talikuran ang pag-gamit ng enerhiya mula sa fossils at langis. Mas mahal pa rin ngayon ang pagtaguyod ng mga renewable sources of energy gaya ng solar power, wind power, at hydropower. Kumpara sa fossils at langis na mas available na ngayon sa ating mundo, mas magastos, sa inverstors man o para sa karaniwang households, ang nonrenewable sources of energy.
Kaya lamang kapanalig, kung gastos o halaga ang pag-uusapan, mas may hihigit pa ba sa halaga ng buhay ng ating mundo at ng sangkatauhan? Ayon nga sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng US Catholic Bishops, “Ang climate change ay hindi lamang tungkol sa ekonomiya o politika. Ito ay tungkol sa kinabukasan nating lahat. Ito ay tungkol sa pagprotekta sa tao at sa mundo.”
Ang pagkilos upang ating maagapan ang climate change sa pamamagitan ng paglipat o pag-shift sa mga renewable sources of energy ay isang kritikal na act of survival para sa sangkatauhan. Kailangan natin gawin ito dahil ayon sa mga eksperto, kung hindi natin napababa ang ating emisyon pagdating ng 2030, haharapin natin ang mga epekto ng climate change gaya ng malawakang pagbabaha, malalakas na bagyo, sobrang tagtuyot, at unti-unting pagkawala ng mga hayop at halaman na malaking banta sa katiyakan sa pagkain ng lahat.
Sumainyo Katotohanan.