357 total views
Ikinagalak ni San Pablo, Laguna Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Clergy ang desisyon ng pamahalaan hinggil sa pagsasagawa ng religious activities sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Ito’y matapos pahintulutan ang 50-percent seating capacity sa mga simbahan sa mga lugar na sakop ng NCR plus bubble na kinabibilangan ng mga lungsod at lalawigan mula sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon kay Bishop Famadico, ito’y magandang balita para sa lahat ng mananampalataya upang mabigyan ng balanse ang kanilang pagnananais na makadalo sa mga pagtitipon sa simbahan at maipahayag nang buong-puso ang kanilang pananampalataya sa kabila ng pandemya.
“Ito’y dapat nating ikatuwa dahil sa gawain ng pagsamba lalo na sa simbahan, kailangan na bigyan ng balanse ang pagnanais ng mga tao na makapunta ng simbahan at kasama ng mga kapwa mananampalataya ay magpupuri at magpapasalamat bilang bayan ng Diyos,” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo na sa kabila nang pagtaas ng bilang sa kapasidad na maaaring dumalo sa mga pagtitipon sa mga simbahan ay ipagpapatuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols bilang pag-iingat na magkaroon ng COVID-19 transmission.
“Sa kabilang dako kailangan din ang pag-iingat sa pamamagitan ng distancing. We make the best of what we have,” dagdag ni Bishop Famadico.
Nagsimula na noong unang araw ng Hunyo ang pagpapatupad sa panibagong panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na nagpapahintulot sa 50-porsyentong kapasidad ng simbahan sa mga lugar sa loob ng NCR plus bubble.
Paglilinaw naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring baguhin ng mga lokal na pamahalaan ang panuntunan kung ninanais pa rin nitong ipatupad ang mas mababang bilang ng kapasidad.
Una nang nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang pananampalataya at buhay espiritwal ng bawat isa lalo na sa gitna ng banta ng pandemya na nagdudulot ng takot, pangamba at kawalan ng katiyakan sa bawat isa.