368 total views
Nagpasalamat si healing priest Fr. Joey Faller ng Kamay ni Hesus sa lahat ng nagdasal para sa agarang paggaling mula sa coronavirus.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ng pari na nasa mabuti itong kalagayan bagamat nakaranas ng mild symptoms ng COVID-19.
“Huwag po kayong mag-alala at maraming salamat po sa mga nagdadasal, I feel better and good; ako po ay masayang nag-self quarantine dito sa Kamay ni Hesus,” pahayag ni Fr. Faller sa Radio Veritas.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing sa kanilang lugar sa mga nakasalamuha ni Fr. Faller habang sumailalim na rin sa quarantine ang dalawang kawani ng Kamay ni Hesus na nagpositibo rin sa virus.
Kasalukuyang nagsagawa ng disinfection sa buong lugar para matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng iba pang kawani at maihanda sa muling pagbubukas ang Kamay ni Hesus.
Kasalukuyang sarado sa publiko ang Kamay ni Hesus para bigyang daan ang paglilinis dito.
“Mula June 3 hanggang June 10 sarado po ang Kamay ni Hesus, nag disinfect na kami agad then after 7 days disinfect ulit ang buong lugar para yung virus ay hindi na lumaganap,” ani Fr. Faller.
Ibinahagi pa ng healing priest na nakatanggap na rin ito ng first dose ng bakuna ng Aztrazeneca kaya’t marahil mild symptoms lang ang naranasan nitong epekto ng COVID-19 sa katawan.
Patuloy na pinaalalahanan ni Fr. Faller ang mamamayan na huwag mawalan ng pag-asa bagkus ay kumapit sa biyaya ng Panginoon na mapagtagumpayan ang negatibong epekto ng pandemya sa pamayanan.
“Patuloy tayong manalangin at hindi tayo pababayaan ng Panginoon, kapit lang kay Lord, Mama Mary loves us, Jesus loves us,” dagdag pa ni Fr. Faller.
Sa tala ng Department of Health nasa 1.2 milyon na ang nahawaan ng COVID-19 sa buong Pilipinas kung saan 90 porsyento dito ang gumaling sa karamdaman.
Puspusan din ang isinasagawang vaccination rollout ng pamahalaan para maabot ang herd immunity sa bansa ngayong taon.