447 total views
Umaapela sa mga magulang ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle – Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples upang ganap na magsilbing daan ng kanilang mga anak para sa pangakong buhay na walang hanggang ng Panginoon.
Ayon sa Cardinal, dapat na maipakita at maipamalas ng mga mag-asawa ang tipanan ni Hesus at ng Simbahan sa kanilang mga supling.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na dapat na matutunan ng mga mag-asawa ang tunay at ganap na tipanan sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya upang higit na mapatatag ang samahan ng buong pamilya na itinuturing na munting bahagi ng Simbahan na itinatag ni Hesus.
“Sana the married people through the Eucharist may we learn, may you learn how to renew your covenant. Left to yourselves mahirap but with Jesus joining Jesus in His covenant then hopefully married people would have the strength to live and transform their domestic church, the family the domestic church as a community of covenant relationship.” Ang bahagi ng mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle.
Ibinahagi ng Kardinal na ang pagmumulat sa mga kabataan sa kahalagahan ng Banal na Eukaristiya ay isa sa mahalagang tungkulin na dapat na gampanan ng mga magulang.
Iginiit ni Cardinal Tagle na mahalagang sa murang edad pa lamang ay mamulat at mabuksan na ang kamalayan ng mga kabataan sa walang kapantay at wagas na pag-ibig ng Panginoon kung saan inaalala sa Banal na Misa ang pagkakaloob ng katawan at dugo ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Please do not forget bring your children to Jesus especially in the memorial called the Eucharist, for everytime we celebrate the Eucharist we join Him in His act of covenant love for our sin.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ayon sa Cardinal, hindi lamang mga makamundong pagkain ang dapat na maipakain ng mga magulang sa kanilang mga anak sa halip ay higit na mas mahalaga na maturuan ang mga kabataan na tanggapin ang katawan at dugo ni Kristo na siyang daan tungo sa buhay na walang hanggan.
“Kahit ilang hamburger pa ang ipakain niyo sa anak ninyo kapag araw ng Linggo kulang pa ang papel ninyo bilang magulang kapag hindi sila nakakakain ng katawan ni Kristo, kapag puro hamburger dadalhin niyo yan sa ospital, kapag katawan ni Kristo dinadala niyo sila sa buhay na walang hanggan.” Paliwanag ni Cardinal Tagle.
Si Cardinal Tagle ay ang pinuno ng isa sa pinakamahalagang sanggay ng Vatican na nangangasiwa sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa iba’t ibang paraan lalo na sa kasalukuyang modernong panahon.